ni Mary Ann Santiago

Patay ang isang rider nang mapailalim sa isang dump truck at magulungan pa nito matapos na iwasan ang isang nag-overtake na tricycle habang binabaybay ang Tondo, Manila kamakalawa.

Ang biktima ay nakilalang si Edhel John Otico, 22, binata, at residente ng 108 Pacheco St., Tondo.

Arestado at sasampahan naman ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property ang driver ng dump truck na si Jake Lopez, 38, ng Rodriguez, Rizal.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga aspirants na nag-file ng COC at CONA ngayong Oct. 3

Batay sa ulat ni PSSG John Mark Estrada, ng Vehicular Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 12:30 ng tanghali nang maganap ang aksidente sa Raxabago St., kanto ng Angat St., sa Tondo.

Minamaneho umano ng biktima ang isang Yamaha Mio 125 na walang plaka at binabaybay ang eastward ng Raxabago St. nang pagsapit sa kanto ng Angat St. ay bigla umanong nag-overtake sa kanya ang isang tricycle.

Naiwasan naman ng biktima ang tricycle ngunit nagpagewang-gewang ang motorsiklo nito hanggang sa sumemplang at pumailalim sa dump truck (NAK-3941) na minamaneho ni Lopez.

Minalas naman na magulungan pa ng truck ang biktima na nagresulta ng agarang kamatayan nito.