HABANG panay ang reklamo ng mga konsumer sa nakahihilong pataas ng presyo ng langis, o minsa’y, hindi katanggap-tanggap na halaga ng rollbacks nitong mga nakaraang linggo, nagiging dahilan naman ito upang paghinalaan ang mga kumpanya ng langis ng ‘profit-taking’.
Ang deregulasyon sa industriya ng langis ay 23 taon nang tumatakbo —ngunit ang mga kontrobersiya ay nakatuon pa rin sa iisang isyu—ang presyo.
Bagamat nagkaroon ng bahagyang pagbabago sa posisyon ng kontrobersiya habang lalong humihigpit ang kompetisyon sa industriya at ang labanan ay higit ngayong nakatutok sa agresibong estratehiya upang makorner ang patron at makuha ang market shares ng karibal.
At sa lehitimong esensiya ng kompetisyon sa presyo, isa itong katanggap-tanggap na argumento. Gayunman, ang sunod-sunod na malalaking pagtaas ng presyo ng langis ay aglagay sa lahat ng nasa industriya ‘depensibong’ panig.
Ang resulta, balik ang mga politiko at mga advocacy groups sa pamumuna—ilan ang nais itigil ang price hikes; habang inilalaban naman ng ilang mambabatas at Department of Energy (DOE) ang mas “transparent pricing”; kaya naman hinihikayat nila ang mga kumpanya ng langis na isa-isahin ang cost components ng kanilang produkto na ibinebenta.
Sa paghahangad na makabangon ang ekonomiya matapos ang pandemya, nananatiling tanong sa isipan ng mga konsumer ay: saan patungo ang presyo sa mga susunod na araw? Walang makahuhula nito; ngunit may itinakdang pricing benchmarks at mga salik na tinataya ng industriya bawat linggo kaugnay sa pagbabago ng kanilang presyo.
Una nang umabot sa isang consensus ang industriya hinggil sa lingguhang paggalaw ng presyo na nakabatay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) o paggalaw ng average ng presyo ng oil commodities sa kalakalan sa Singapore. Maging ang refiner Petron Corporation ay nakasunod sa MOPS-based pricing dahil sinisiguro nito ang competitive pricing kumpara sa finished product importers.
Isa pang salik na nakaapekto sa paggalaw ng presyo ay ang pagbaba-pagtaas ng paglitan ng piso-dolyar. Higit dito, ang kompetisyon ay pinakamalakas na salik na nakaaapekto sa paggalaw ng presyo. Halimbawa, kung ang pagtataya ng isang kumpanya ng langis sa price hike ay nasa P1.00/litro ngunit ang kalaban nitong istasyon ay nagbebenta ng mas mababa, mapipilitan ang una na itapat ang presyo sa kalaban upang hindi mawalan ng kostumer—sa konteksto ng kompetisyon sa merkado, ito ang tinatawag na “destroyer pricing.”
At dahil nakaasa nang malaki ang Pilipinas sa pag-angkat para sa suplay nito ng langis, nakagapos ito sa pagbabago na nakaapekto sa supply-demand balance at galaw ng international price na nakadepende sa geopolitical factors (i.e. kondisyon ng panahon, terrorist assaults sa mga oil-producingna bansa) o market speculation (kabilang ang economic recovery forecasts). Ang iba pang nagpapagalaw sa presyo ay matutunton sa pagbaba-pagtaas ng paggamit o pagtaas at pagbaba sa oil inventories ng mga pangunahing ekonomiya, tulad ng United States at China, na mahigpit na binabantayan lalo’t malaki ang epekto nito sa merkado partikular na kung may masamang balita, tulad ng epekto ng pandemya, at mahinang paglago ng ekonomiya.
Ngayon, bakit pinipili ng mga kumpanya ng langis na manatili sa merkado sa gitna ng mga paghihirap? Higit sa negosyo, marahil, dahil ito sa pagsubok ng pagbibigay sa mga Pilipino ng pangunahing pangangailangan at pagiging bahagi ng isang industriya na sumusuporta sa paglago ng ekonomiya ng bansa.