ni Martin Sadongdong

Nailigtas ng militar ang isang menor de edad na mangingisdang Indionesian matapos umanong dukutin ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sabah, Malaysia nitong nakaraang taon, na ikinaaresto ng sub-leader ng bandidong grupo sa ikinasang operasyon sa Languyan, Tawi-Tawi, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr., commander ng Western Mindanao Command (WesMinCom), ang biktima na si Khairuldin Bin Yai Kii, taga-Kabupaten Wakatobi, Sulawesi Tengara sa Indonesia.

Binanggit ng opisyal, kabilang si Kii sa walong mangingisdang Indonesian na dinukot ng pitong miyembro ng ASG habang nangingisda sa karagatan ng Tambisan Island sa Sulu Sea na sakop ng hangganan ng Sabah, nitong Enero 17, 2020.

National

VP Sara, suportado batas kontra ‘anti-dynasty:’ Ako yung pinakamagaling sa political dynasty!

Mula sa walong bihag sa loob ng 14 buwan, naging apat na lamang ang mga ito nang pakawalan ang tatlo sa kanila habang ang isa pa ay namatay sa sagupaan ng militar at ASG sa Patikul, Sulu, noong Setyembre 29 ng nakalipas na taon.

Bukod kay Kii, nakilala rin ng militar ang tatlo pang kidnap victim na sina Riswanto Bin Hayono, 26; Arical Kastamiran, 30; at Arsyad Bin Dahalan, 41.

Sa ulat, tumakas sina Hayono, Kastamiran, at Dahalan sa mga dumukot sa kanila nang magkaroon ng sakuna sa karagatan sa South Ubian, Tawi-Tawi, nitong Marso 18.

Nasa kustodiya naman ng militar ang ASG sub-leader na si Majan Sahidjuan, alyas “Apo Mike”, ang itinuturong lider ng bandidong grupong nangingidnap kapalit ng ransom. Sugatan si Sahidjuan nang madakip matapos itong lumaban sa mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team-6, kasama ang dalawa pang kidnapper sa Bgy. Kalupag Island, Languyan sa Tawi-Tawi.

Paliwanag ni Vinluan, nagresponde lamang ang tropa ng militar nang makatanggap sila ng impormasyong may namataang armadong grupo sa lugar na nagresulta sa sagupaan.

Sa gitna aniya ng engkuwentro, nagawang makatakas ni Kii at nailigtas ng militar sa nasabing lugar sa tulong ng mga residente, kinabukasan.

“Parang nahiwalay siya, nahiwalay tapos tumakbo ‘yung dalawang [kidnappers] so naiwan siya. Doon siya nakita ng mga sibilyan at itinuro na rin ng mga civilian sa mga Marines natin,” sabi pa ng opisyal.

Sinabi pa nito, galing sa Sulu ang grupo ni Sahidjuan at patungo na sana sa Tawi-Tawi, dala ang apat na bihag nang hampasin ng malalaking alon ang kanilang bangka hanggang sa lumubog.

Dahil aniya sa insidente, napilitan ang grupo nito na magtago sa lugar.