Inanunsyo sa publiko ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na magiging toll-free na ang mga truck na naglalaman ng produktong pang-agrikultura sa mga pangunahing expressway simula sa Abril 20, 2026.
Ayon sa naging pahayag ni Pangilinan sa kaniyang post sa social media, partikular sa “X”, nitong Sabado, Abril 18, sinabi niyang nagsimula na raw isakatuparan ang mungkahi niyang pagbabalik ng food lane sa mga expressway.
“Nagsisimula nang maisakatuparan ang ating iminungkahing pagbabalik ng food lanes—mga priority lane para sa mga produktong agrikultural—upang matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng pagkain sa gitna ng oil crisis,” pagsisimula niya.
Ani Pangilinan, magsisimula raw sa Lunes, Abril 20, ang pagkakaroon ng toll-free para sa lahat ng mga rehistradong agri-truck sa Tarlac–Pangasinan–La Union Expressway (TPLEX), South Luzon Expressway (SLEX), at North Luzon Expressway (NLEX).
“Simula April 20, magiging toll-free ang mga rehistradong agri-trucks sa mga pangunahing expressway—TPLEX, SLEX, at NLEX,” aniya.
Diin pa niya, “Isang malaking hakbang ito para mapabilis ang biyahe ng pagkain mula sakahan hanggang pamilihan at mapababa ang gastos sa logistics.”
Anang senador, naisakatuparan nila ang panukalang ito sa tulong ng Department of Transportation (DOTr) at iba pa nilang mga katuwang sa pribadong sektor sa layunin nilang isulong ang mas episyenteng sistema para sa food supply chain.
Aniya pa, higit na mas kailangan ng mamamayan ito sa panahon ng krisis at mahalaga raw ang kolektibong-pagkilos para masiguro ang abot-kayang pagkain para sa lahat.
“Sa panahon ng krisis, mahalaga ang ating sama-samang pagkilos para matiyak na may sapat at abot-kayang pagkain para sa bawat Pilipino,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Sen. Bam, ipinanukalang ibaba ang VAT sa 10%
MAKI-BALITA: Sen. Bam, napa-'sana oil' sa fuel tax cut ng Canada