May 22, 2026

Home BALITA

Sen. Bam, napa-'sana oil' sa fuel tax cut ng Canada

Sen. Bam, napa-'sana oil' sa fuel tax cut ng Canada
Photo courtesy: Bam Aquino/FB, Unsplash


Maiksi ngunit makahulugan ang isang Facebook caption na ibinahagi ni Sen. Bam Aquino sa isa niyang shared post nitong Biyernes, Abril 17.

Mababasa kasing ibinahagi ng mambabatas ang Facebook post ni Canadian Prime Minister Mark Carney tungkol sa fuel tax cut ng bansang Canada sa gitna ng krisis sa suplay at presyo ng langis.

“We’re cutting taxes on fuel across Canada. Starting next Monday, you’ll save up to 10¢/L on gas at the pump,” saad ni Carney sa kaniyang post.

Sagot naman ni Sen. Bam: “Hay sana oil.”

Photo courtesy: Bam Aquino/FB

Sa hiwalay na pahayag nito ring Biyernes, Abril 17, idiniin niya ang kahalagahan ng maayos na pagpapatupad ng suspensyon sa excise tax ng liquified petroleum gas (LPG) at kerosene.

“Kung may desisyon nang isuspinde ang excise tax sa LPG at kerosene, dapat masiguro na maipatupad talaga ito nang maayos at maramdaman agad ng mga dapat makinabang,” anang Sen. Bam.

Giit niya, “Habang patuloy nating isinusulong ang pagsuspende ng excise tax sa diesel at gasolina, sana masiguro ring malinaw at maayos ang implementasyon ng mga desisyong naaprubahan na.”

Matatandaang ipinanawagan din ng mambabatas ang pagpapababa ng Value-Added Tax (VAT) sa mga pangunahing produkto at serbisyo.

Mula sa orihinal na 12%, isinusulong niya ang pagtapyas nito sa 10%.

MAKI-BALITA: Sen. Bam, ipinanukalang ibaba ang VAT sa 10%-Balita