Pinatutsada ni United States (US) President Donald Trump na hindi na raw nila kailangan pa ang tulong na maaaring ibigay ng North Atlantic Treaty Organization (NATO).
Ang NATO ay isang military at political alliance na binubuo ng 32 na mga bansa mula sa Europa at North America. Naitatag ito noong 1949 upang matiyak ang kanilang seguridad at kapayapaan.
Isa sa mga prinsipyo nito ang pagsusulong ng kolektibong pagtatanggol sa mga kakampi nilang bansa at naniniwala silang dapat nilang lahat atakihin kung sinoman ang tutuligsa sa kanilang mga kakampi.
Matatandaang inilahad na rin ni Trump sa publiko noong Abril 12, 2026, ang kaniyang pagkadismaya sa NATO dahil sa hindi raw pagtulong nito sa kanila sa pakikipaglaban sa bansang Iran.
“We are very disappointed in NATO, they weren’t there for us. We pay trillions of dollars for NATO and they weren’t there for us,” diin ni Trump.
KAUGNAY NA BALITA: 'We're paying trillions of dollars!' Trump, dismayado sa 'di pagtulong ng NATO
Ayon naman sa naging bagong pahayag ni Trump noong Biyernes (araw sa US), Abril 17, 2026, ibinahagi niyang tinawagan daw siya ng NATO at nagtanong ito kung kailangan pa nila ng tulong sa pakikipaglaban sa Iran.
“Now that the situation in the Hormuz Strait is almost over, I received a call from NATO asking if we would need some help,” pagsisimula niya.
“Thank you very much, NATO,” pahabol pa niya.
Ani Trump, mas tatanggapin daw niya ang tulong ng NATO noon pang dalawang buwan na ang lumipas ngunit hindi na raw nila kailangan pa ang mga ito.
“And I told them I would have liked your help two months ago, but now I really don’t want your help anymore,” diin niya.
Pagpapatuloy pa niya, “useless” o hindi daw kasi sila nakatanggap ng tulong mula sa NATO noong panahong kailangan nila ito.
Patutsada niya pa, hindi naman daw talaga nila kailangan ang NATO at ang huli ang nangangailangan sa kanila.
“Because they were absolutely useless when we needed them—but actually we never needed them—they needed us, they needed us so badly,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang isinasapublikong pahayag, tugon, o reaksyon ang NATO tungkol dito.
KAUGNAY NA BALITA: 'The war in Iran should be ending pretty soon!'—Trump
KAUGNAY NA BALITA: 'I might go:' Trump, trip pumuntang Pakistan