SINALAKAY ng pinagsamang puwersa ng Games and Amusements Board (GAB) Anti-Gambling Division ang Manila Police Department (MPD) ang illegal bookies sa Tondo, Manila na nagresulta sa pagkaraesto ng dalawang operator kamakailan.
Muling kumilos ang GAB-AIGD, sa pamumuno ni SGI-2 Glenn Pe at operatiba ng Manila Police District (MPD) Special Operation Unit, sa pangunguna ni PCPT Jervies Soriano, Deputy Chief, sa patnubay ni PMAJ Cicero Pura, para masawata ang mga pasaway sa panulukan ng Pavia at Franco Sts. sa Brgy. 62 Zone 6 na nagsasagawa ng illegal bookies sa gitna ng ipinatutupad na ‘health and safety’ protocol ng pamahalaan.
Nadakip at sinampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Gambling (Illegal Horse Racing Bookies) sina Jaymee Cortaga, 36; at Benjie Morales, 37. Nakuha sa dalawa ang mga kagamitan sa operasyon.
“Patuloy po kaming nakakatanggap ng sumbong mula sa mga concerned citizen at amin naman pong tinitignan at kung makumpirma po agad kaming humihine ng ayusa sa ating kapulisan,” pahayag ni Pe.
Malaking halaga ng buwis na magagamit sana ng pamahalaan sa mga programa tulad ng paglaban sa coronavirus ang nawawala dahil sa mga ilegal bookies.
Muling pinaalalahanan ni Pe ang mamamayan, higit yaong mga aficionados ng horse racing na tumangkilik sa mga legal ng Off-Track Betting Station, gayundin sa mga cashless online services na ginagamit sa kasalukuyan ng malalaking karerahan sa bansa.
“Yung buwis po na nakokolekta sa mga legal na programa ng horse racing at iba pang sanctioned program ng GAB ay nagagamit po sa pangangailangan ng ating mamamayan,” pahayag ni Pe.