Nagpositibo si Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) General Manager Rodolfo Garcia sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, kahapon.
Aniya, nakaratay na si Garcia sa intensive care unit ng isang ospital.
Tinamaan din ng virus si MRT director Michael Capati, gayunman, nagpapagaling na umano ito.
Nitong Miyerkules ng gabi, inanunsyo ng DOTr na isinailalim nila sa “enhanced access control” ang MRT-3 depot sa Quezon City mula pa nitong nakaraang linggo matapos masuring nagpositibo rin sa sakit ang 42 na kawani nito, na ikinamatay ng isa sa mga ito.
Naiulat na 36 sa nasabing bilang ay pawang office personnel habang ang anim pa ay pawang maintenance worker ng
Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries.
Nilinaw naman ni Tugade na kontrolado na ang hawaan sa rail sector matapos ang isinagawang contact tracing at mass swab testing sa mga kawani nito.
Hanah Tabios at Mary Ann Santiago