Kinukumbinsi ng Malacañang ang publiko na magpaturok ng bakunang galing China kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) kasabay ng pagsasabing walang rason upang mabahala dahil karamihan ng ginagamit natin araw-araw ay gawang China.

Inilabas ni Presidential spokesman Harry Roque, ang pahayag kasabay na rin ng pagpapaigting ng gobyerno ng information campaign nito tungkol sa Sinovac vaccine upang magkaroon ng kamalayan at kumpiyansa ang publiko na nagdududa pa rin sa bisa at kaligtasan nito.

Sa isang panayam, binanggit ni Roque na malaya naman ang publiko na maghintay sa nais na bakuna, gayunman, hinimok niya ang mga ito na mag-isip na dahil mas lalong nakahahawa ang bagong COVID-19 variant na nakapasok na sa bansa.

“Isipin po ninyo ay mayroong new variant na mas nakakahawa. Bagama’t ito nga po raw ay hindi mas seryoso kaysa sa ordinaryong variant, hindi po natin masasabi. Kaya kung ako kayo, magpabakuna na ano, dahil mas mabuti na iyong may proteksiyon kaysa doon sa wala,” sabi ni Roque.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

Wala aniyang dahilan ang publiko na pagdudahan ang Chinese vaccine dahil karamihan ng ginaamit na natin araw-araw ay gawang China.

“Huwag po kayong mag-aalala kasi kung titingnan ninyo araw-araw ang buhay ninyo, halos lahat ng ginagamit natin made in China. Iyan na po ang riyalidad. From kinakain to ginagamit sa bahay halos lahat po iyan made in China. Ganoon din po siguro ang mangyayari sa vaccine, wala pong pagbabago iyan sa ating pang-araw-araw na buhay,” dugtong pa ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

-Argyll Cyrus Geducos