Apat katao, kabilang ang tatlong sundalo at isang sibilyan ang napatay nang pagbabarilin ng mga hindi nakikilalang lalaki habang sila ay patungong palengke sa boundary ng Poona Piagapo at Pantao Ragat sa Lanao del Norte, nitong Huwebes ng umaga.
Sa report ng militar, nakilala ang tatlong sundalo na sina
Private First Class Albert Soriano, Corporal Bryan Binayug, at Corporal Albert Saura, pawang miyembro ng 4th Mechanized Infantry Battalion na may kampo sa Tangclao detachment sa Poona Piagapo.
Gayunman, hindi pa isinasapubliko ng militar ang pagkakakilanlan ng namatay na sibilyan.
Sa ulat na natanggap ng Camp Aguinaldo, magkakaangkas ang tatlong sundalo sa isang motorsiklo at patungo sana sa palengke nang tambangan ng grupo ng kalalakihan, dakong 8:45 ng umaga.
Dead on the spot ang tatlong sundalo. Kaagad namang binawian ng buhay ang sibilyan na napadaan lamang sa lugar, nang tamaan ng ligaw nab ala.
“[The] troops immediately responded and proceeded to the area to validate the information. Upon arrival, the responding team discovered four dead bodies with gunshot wounds,” pahayag ni Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., Western Mindanao Command (WestMinCom) commander.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito, aminado ang militar na inaalam pa nila ang grupong responsable sa pananambang at ang motibo ng mga ito.
-Martin Sadongdong, Nonoy Lacson, at Jun Fabon