Inumpisahan na ng Manila City government ang pagtatayo ng sariling storage facility ng kabisera para sa mga binibiling anti-coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines na inaasahang darating na sa bansa sa mga susunod na araw.
Ito ang anunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno nang samahan niya sina city engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris at assistant secretary to the mayor Letlet Zarcal para bisitahin ang itinatayong “Manila COVID-19 Storage Facility” na matatagpuan sa ikapitong palapag ng Sta. Ana Hospital na pinamumunuan ng direktor nitong si Dr. Grace Padilla.
Ayon kay Andres, ang pagtatayo ng nasabing pasilidad na magsisilbing imbakan ng COVID vaccines na inorder ng lungsod para maprotektahan ang bisa ng bakuna ay aabutin ng ilang linggo bago matapos.
Matatandaang nilagdaan ni Moreno nitong Lunes ang mga dokumentong iniharap sa kanya ni city general services office (CGSO) chief Thelma Perez para sa pagbili ng bakuna para sa 400,000 katao, 12 refrigeration system units para sa vaccine storage at 50 units ng transport coolers kung saan ilalagay ang mga vaccine habang ibinibyahe para mapangalagaan ang bisa nito.
Ipinaliwanag ni Perez na umaabot sa halagang P8 milyon ang halaga ng freezers at transport coolers at maaari rin itong gamitin ng six city-run hospitals kahit wala na ang COVID.
Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na ang inisyatibo ng pamahalaang lungsod na kontrolin ang bilang ng kaso ng coronavirus sa lungsod sa pamamagitan ng buong suporta ni Vice Mayor Honey Lacuna at ng buong konseho kung saan siya ang namumuno bilang presiding officer, ay nagpapatuloy.
Sa ilalim nito, ang free swab testing ay gagawin na sa pamamagitan ng drive-thru.
Ang free drive-thru swab testing (RT-PCR) ay bukas sa mga motorista kung saan ang testing center ay mag-ooperate na sa Quirino Grandstand simula sa Lunes, Enero 18.
Tuloy din ang pagbibigay ng libreng serology tests sa pareho ding lugar para sa mga motoristang residente at hindi residente ng Maynila.
Ang kapareho ring tests ay patuloy na ibinibigay ng libre ng lungsod sa mga city hospitals para naman sa non-motorists o walk-in patients.
Idinagdag pa nito na 100 pasyente lang ang maaring ma-swabbed araw-araw at ito ay by appointment.
-Mary Ann Santiago