Naglaan ang pambansang pamahalaan ng P75 bilyon para sa pagbili ng mga bakuna sa coronavirus para sa 57 milyong katao sa bansa, inihayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles nitong Martes.
Karagdagang 13 milyong mga Pilipino ang sasakupin ng programang pagbabakuna ng mga local government unit at pribadong sektor, na magdadala sa kabuuang beneficiaries sa 70 milyon.
Ang paglulunsad ng programa ng pagbabakuna, kabilang ang mga mapagkukunan ng pondo na tinukoy ng Department of Finance, ay tinalakay ng Pangulo at ng Gabinete sa pagpupulong sa Malacañang noong Lunes.
“A total of 70 million Filipinos should be able to receive the COVID-19 vaccines,” sinabi ni Nograles sa televised press briefing.
Sa ngayon ang gobyerno ay nakakuha ng mga suplay ng 30 milyong dosis ng mga bakunang Covovax at 25 milyong dosis ng bakunang Sinovac. Ang mga karagdagang bakuna mula sa AstraZeneca ay nakuha rin ng pambansang pamahalaan, local government units, at mga pribadong kumpanya.
Ang paunang shipment ng mga bakunang ginawa ng Chinese ay inaasahan sa susunod na buwan.
Sa utos ng Pangulo, ang mga frontline health workers, senior citizens, mahirap na mamamayan, at unipormeng tauhan ay kasama sa listahan ng mga pangunahing benepisyaryo ng libreng programa sa pagbabakuna ng gobyerno. Ang National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Region XI (Davao Region), at Region IV-A (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) ay kabilang sa mga prayoridad na lugar para sa immunization drive.
200k katao bawat araw
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 200,000 indibidwal bawat araw, sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. kaya patuloy ang training sa 25,000 vaccinators.
Inihahanda na rin ng local government units ang listahan ng mga indibidwal na unang tatanggap ng mga bakuna.
Takot sa bakuna
Samantala, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tugunan ang pangamba ng taong-bayan sa bakuna sa gitna ng mga ulat na nagdadalwang-isip sila na magpabakuna.
Nagbabala si Gatchalian na kung kalahati ng bansa ang hindi magpapabakuna, magpapatuloy lamang ang pagkalat ng virus. Para sa sektor ng edukasyon, patuloy na maaantala ang pagbabalik-eskwela ng mahigit 22 milyong mag-aaral sa pampublikong mga paaralan at muling pagkakaroon ng face-to-face classes. Sa Metro Manila pa lamang na maituturing na isang virus hotspot, may mahigit dalawang milyong mag-aaral sa mga pampublikong mga paaralan.
Sa survey ng Pulse Asia sa buong bansa, lumalabas na halos kalahati o 47 porsyento ng 2,400 respondents ang hindi magpapabakuna.
Lumabas naman sa isang survey ng University of the Philippines-OCTA Research Group na 25% lamang ng mga taga-Metro Manila ang handang magpabakuna kontra COVID-19. “Magiging malaki ang problema natin kung walang magpapabakuna laban sa COVID. Hindi tayo makakabalik sa normal na pamumuhay,” ani Gatchalian.
Malawakang impormasyon kailangan
Iginiit ni Vice Pres. Leni Robredo ang kanyang panawagan na dapat magkaroon ng “massive education campaign” bago mag-roll out ng Covid-19 vaccination ang gobyerno o simulan ang pagbabakuna sa mga tao, upang makumbinsi silang magpabakuna laban sa sakit.
“The problem is the people’s trust in vaccines eroded after the controversies created by Dengvaxia. Marami ang natakot sa ano mang uri ng bakuna dahil sa dengvaxia,” sabi ni Robredo.
“What if the vaccines with lower efficacy rate arrive, how are you goig to convince the people to get vaccinated”. It’s like buying goods, you’ll buy the one with a higher efficacy rate,” dagdag niya.
-GENALYN KABILING, BETH CAMIA,LEONEL M. ABASOLA, at BERT DE GUZMAN