MULING nabuhay ang hakbang para sa amyendahan ang Konstitusyon, sa pagsusulong ni Speaker Lord Allan Velasco ng kanyang Resolution of Both Houses No. 2 na hangad na maamyendahan ang mga economic provision ng Konstitusyon ng 1987, na pumalit sa Konstitusyon ni Marcos, na humalili sa Konstitusyon ng 1935.
Ayon kay Velasco, kailangan ng bansa ang constitutional amendments upang malimitahan ang epekto ng COVID-19 pandemic sa pagtatanggal ng kasalukuyang probisyon na naglilimita sa mga dayuhang pamumuhunan, partikular ang 40 porsiyentong cap sa dayuhang pagmamay-ari ng ilang tiyak na operasyon ng negosyo, at total ban sa pakikilahok ng dayuhan sa mga sangay tulad ng media.
Tulad ng marami, binatikos ni Vice President Leni Robredo, ang bagong hakbang na ito ng administrasyon na amyendahan ang Konstitusyon sa panahong ito, aniya, na dapat nakatuon ang atensiyon at enerhiya ng bansa sa pagpapahinto ng pandemya at pagtulong sa mga tao na nagdurusa ng matindi mula sa pagkawala ng kanilang pinakakakitaan at hanapbuhay.
Sa katunayan, ang kasalukuyang hakbang na amyendahan ang Konstitusyon ay mula pa noong magsimula ang administrasyong Duterte na nagnanais ng federal na porma ng pamahalaan, isa sa kanyang mga pangako noong kampanya. Sa mga sumunod na pagdinig sa Kamara, nagkaroon ang mga kongresista ng kanya-kanyang maraming ibang mungkahi, kabilang ang limitasyon sa proteksyon ng freedom of speech at abolisyon sa maraming opisina ng pamahalaan, kabilang ang Office of the Vice President, ang Ombudsman, at ang Judicial and Bar Council.
Mayroon ding pangmatagalang pansariling hakbang ng mga opisyal na tanggalin ang term limits, para sa kanilang sarili at sa Pangulo, na ngayong limitado lamang sa anim na taon na walang reelection. Noong 1997, sa huling taon ng administrasyong Ramos, nagkaroon ng isang People’s Initiative for Reform, Modernization, and Action (PIRMA), na layong amyendahan ang non-reelection na probisyon para sa pangulo. Sa lahat ng sumunod na administrasyon nagkaroon ng hakbang na amyendahan ang Konstitusyon sa iba’t ibang paraan —Constitutional Convention, Constitutional Assembly, at People’s Initiative.
Wala sa mga ito ang nagkaroon ng malaking pag-usad dulot ng oposisyon mula sa napakaraming sangay at dahil sa napakaraming rason. Palaging may hinala na nais lamang ng ilang opisyal na manatili nang mas matagal sa pamahalaan.
Sa kritisismo sa ilang institusyon tulad ng sistema ng party-list, sinabi nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Sen. Panfilo Lacson na ang mga pagbabagong may kinalaman sa pag-abuso ay maaaring gawin sa simpleng pag-amyenda ng batas. Para naman sa mga nais na tanggalin ang kasalukuyang restriksyon sa dayuhang pamumuhinan sa bansa, marami ring ibang sektor ang naniniwala na kailangan talaga ito.
Sa anumang kaso, pinakamainam siguro kung ang hakbang na amyendahan ang Konstitusyon ay gagawin at pagdedesisyunan sa mga unang buwan ng isang administrasyon upang magkaroon ng sapat na panahon at oportunidad upang talakayin ang lahat ng anggulo ng iba’t ibang mungkahi. Makapagpapahupa rin ito ng mga hinala na ilang opisyal ang desperado lamang na manatili nang mas matagal sa kanilang opisina.