Binabantayan na ngayon ng Department of Health (DOH) ang tatlong coronavirus disease 2019 (COVID-19) variants, kabilang na ang natuklasan sa United Kingdom.
“Sa ngayon, meron na tayong tatlong variant na binabantayan. Ito ‘yung sa UK na type na variant, South Africa na variant, and then there was this identified variant din sa Malaysia. Ito ‘yung tatlo na atin na pong binabantayan,” pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa idinaos na pulong balitaan kahapon.
Naiulat na sa 305 samples na sinuri ng Philippine Genome Center (PGC), hindi na-detect ang UK at South African variants ng SARS-CoV-2, ang virus na pinagmulan ng COVID-19.
Nilinaw ni Vergeire, pauna pa lamang ang 305 samples dahil patuloy pa rin aniyang nagsasagawa ng genome sequencing ang PGC upang madetermina kung nakapasok na sa Pilipinas ang tatlong bagong variant ng COVID-19.
“This is a continuing surveillance system that we had established already…This will be a continuing thing--- this bio surveillance. We are appropriating funds to the PGC so that we can sustain this because this is important for our surveillance systems,” sabi nito.
“They also do cluster analysis not just with lineage but with the whole genome. So meaning, even if the supposed variant is still not in the radar for surveillance of the country, once the PGC detects unusual mutation patterns, which might be the variant in question, then it will be united and reported to us,” aniya.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng opisyal ang publiko na maging mapagmatyag dahil hindi pa natatapos ang problema ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Matatandaang inihayag ni Presidential spokesman Harry Roque na tapos na ang problema nito pagdating sa paglaban nito sa COVID-19 bilang reaksyon na rin sa naging pagtaya ng Moody’s Analytics na ang Pilipinas ang huling bansa sa Asia-Pacific region na nakarerekober sa pandemya.
“I don’t think that this is the time for us to make conclusions at this point in our situation regarding this pandemic. Alam po natin na maraming factors at challenges na kailangan tayong harapin,” pahayag ni Vergeire.
“Unang-una, nakikita natin itong variant na sinasabi--itong virus na ito--- halos marami na pong bansa ang nagi-identify na meron and apparently based on evidence this increases transmissibility from 60 to 70 percent. So we are not out of the woods yet. ‘Yung recent trends natin na nakikita natin ngayon ay medyo hindi po siya stable,” sabi nito.
Hinikayat pa rin nito ang publiko na ipairal pa rin ang
health protocols upang mapanatiling mababa ang araw-araw na COVID-19 cases.
“Gusto ko lang magpa-alala sa ating mga kababayan kahit na anong variant iyan, kahit anong strain, kahit anong mutation, ituloy lang natin ang minimum health standards. Kasi with all of this news about the strains, variants, and mutations hindi naman po nabago ang mode of transmission, iyon pa rin----droplet infection. Ituloy lang po natin ang minimum public health standards so that we can keep the cases low,” sabi pa nito.
Analou de Vera