HINDI pa rin namamatay ang isyu hinggil sa ilang opisyal ng Gabinete at miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na nagpabakuna na laban sa COVID-19, gamit ang bakuna na donasyon ng China, sa paglutang ng ilang opisyal na naglabas ng hindi inasahang detalye hinggil sa kaso.
Una na nating binigyang-diin ang dalawang punto na kailangang tingnan sa isyung ito. Una ang paggamit ng bakuna na hindi aprubado ng sarili nating Food and Drug Administration (FDA) –na labag sa batas. Ikalawa ang paggamit ng donasyong bakuna ng isang piling grupo upang protektahan ang kanilang sarili—sa kabila ng polisiya ng pamahalaan na ang mga health workers ng bansa, kasama ng mahihirap at pinaka nanganganib, ang dapat na maunang bakunahan.
Ngayon, isinawalat ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, chairman ng National Task Force (NTF) on COVID-19, na ang bakunang kinukuwestiyon ay ipinuslit (smuggled) sa bansa – isang panibagong paglabag sa batas.
Nang idiniin na ang mga health workers na nagbakuna sa PSG ay maaaring kasuhan ng administering a vaccine without FDA approval, agad iginiit ng PSG chief na sila mismo ang nagbakuna sa sarili nila.
Sa paglutang ng maraming detalye mula sa iba’t ibang sources mula sa pamahalaan—ilan ulat ang taliwas sa ibang ulat—at dahil tila walang nasa itaas ng buong sitwasyon, sinabi ng Senado magpupulong ito bilang isang Committee of the Whole upang siyasatin ang buong vaccination program ng pamahalaan.
Dapat maisama dito ang pinaunang kuwestiyon na lumutang ilang buwan na ang nakalilipas—nang akusahan ni Sen. Panfilo Lacson si Health Secretary Francisco Duque III “dropped the ball” nang mabigo itong aksiyunan ang orihinal na alok ng Pfizer noon pang Hulyo na makapagsuplay sa Pilipinas ng 10 milyong doses ng bakuna. Kalaunan sinabi ni Secretary Duque na noong Setyembre lamang binigyan ng awtorisasyon ang kanyang ahensiya, hindi ang Department of Science and Technology, na makipagnegosasyon sa Pfizer.
Nagsimula na ang mass vaccinations sa mga bansa na maagang nakakuha ng aprubadong bakuan, kabilang ang United Kingdom sa Europe, United States sa Western Hemisphere, at India sa Asya. Ang pinakamaagang buwan na makatatanggap ang Pilipinas ng Pfizer vaccines ay sa Mayo pa, limang buwan mula ngayon.
Sa ngayon, kailangan nating umasa sa kung ano ang mayroon tayo—ang pagprotekta ng sarili mula sa virus sa pagsusuot ng face masks at face shields kasama ng pagsunod sa physical distancing.