Hindi hinihikayat ng pamahalaan ang malalaking pagsasama-sama ng pamilya sa panahon ng kapaskuhan upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, ang malaking pagsasama-sama ng pamilya ay itinuturing na “mass gatherings” na kasalukuyang ipinagbabawal ng pandemic task force ng gobyerno. Anumang pagdiriwang ay dapat na ilaan lamang sa mga miyembro ng pamilya upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus infection, dagdag ni Año.
“Katulad po ng plano na hindi po papayagan ang Christmas party, hindi rin papayagan ang Christmas caroling, wala pong mass gathering. Iyon pong family reunion ay isang considered na mass gathering,” sinabi niya sa pakikipagpulong kasama si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang miyembro ng Cabinet sa Malago clubhouse nitong Lunes ng gabi.
Parada, prusisyon bawal din
Nanindigan si Manila Mayor Isko Moreno na mahigpit munang ipinagbabawal sa lungsod ang anumang uri ng mga parada o prusisyon, habang nananatili pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nilinaw ni Moreno, na kung ang mga aktibidad ay gagawin sa loob ng simbahan ay hindi makikialam ang lokal na pamahalaan
Gayunman, kung ang mga aktibidad ay lalabas ng simbahan, gaya ng mga parada o prusisyon, kailangang magpa-alam mula sila sa Manila LGU.
-Genalyn Kabiling at Mary Ann Santiago