PRIORIDAD at sentro ng programa ni Pearl Managuelod sa Philippine Olympic Committee (POC) ang pagtatayo ng ‘Mental Health Commission’ at ‘Athletes Calamity Thrust Fund’.
“Madami akong programa sa POC, talagang I like the athete-centered philosophy. We have to develop our athletes in a holistic level, we need to take their post career, transition nila from high performance training. We need to support what their needs,” pahayag ni Managuelod, secretary-general ng Muay Thai Association of the Philippines, sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports on Air’ kahapon.
Kabilang sa limang Board member sa tiket ni incumbent president Abraham ‘Bambol’ Tolentino sa gaganaping POC Election sa Nobyembre 27, ang katayuan ng atleta habang aktibo hanggang sa pagreretiro ang nais bigyan ng matibay na pundasyon ni Managuelod.
Kipkip ni Managuelod ang impresibong marka bilang lider ng Muay kung saan naiangat niya kasama ang ama na si Gen. (ret.) Lucas Managuelod, ang sports sa kompetitibong level na kanilang napatunayan sa impresibong 100% medal performance ng Pinoy Muay artists na humakot ng tatlong ginto, apat na silver at dalawang bronze medal sa siyam na event na pinaglabanan sa nakalipas na 2019 Southeast Asian Games sa Manila.
Nakalatag din para sa kaalaman ng voting members ang academic credentials ng single-mom, sportswoman kabilang ang pagtatapos sa kursong Sports Psychology at Masters in Human Movement Science sa University of the Philippines (UP).
Nakatapos din siya ng Masteral degree sa Human Kinetics- Intervention and Consultation (Performance Psychology) sa University of Ottawa at nag-aral ng kursong Finance sa Les Roches Global Hospitality Education sa Switzerland.
“Actually, hindi ako naging atleta, but I’m sports-minded person. Sa Muay noong una nag-oobserve lang ako, then yung interest ko lalong nadevelop then I was appointed as secretary-general, yun na talagang napag-aralan ko yung pangangailangan ng mga atleta,” sambit ni Managuelod sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), PAGCOR at Games and Amusements Board (GAB).
“Nakita ko ang pangangailangan ng mga atleta, that’s why priority rin ng aking program ang pagtatayo ng ‘Athletes Calamity Trust Fund’ para makatulong sa ating mga atleta at coaches lalo na tulad nitong nangyari lately na sunod-sunod ang pandemic at super typhoon,” sambit ni Managuelod.
Ilang atleta at coach ng Muay Thai ang naapektuhan nang pagbaha sa Luzon kamakailan dulot nang magkakasunod na bagyong tumama sa bansa, ayon kay Managuelod.
“Kailangan din mapagtuunan ng pansin ang education ng mga atleta para sa pagtatapos ng kanilang career meron silang mapupuntuhan and also develop their discipline with regards sa paghawak ng income,” aniya.
Iginiit din ni Managuelod ang pangangailangan na maibalik ang ‘values’ sa Olympic family upang mas mapangasiwaan ang POC sa maayos, tapat at value-oriented na mga officials.
‘We need to revisit the POC values. If we have that mas madali ang pamamalakad sa ating organization and also importante rin na mabuo natin ang Mental Health Commission for coaches and athletes,” pahayag ni Managuelod.
-Edwin G. Rollon