Sinabi ng Philippine Coast Guard na magpapadala sila ng mga rubber boat sa Tuguegarao City sa Cagayan Province para sa kinakailangang tulong sa mga isinagawang rescue operations sa gitna ng matinding pagbaha sanhi ng pagbuhos ng tubig mula sa Magat Dam.
“Coast Guard personnel are now working to load and transport rubber boats to Tuguegarao," sinabi ni Admiral George Ursabia, Coast Guard commandant, madaling araw ng Sabado.
"We will also haul Jet A1 from Manila to Tuguegarao to send stocks," Ursabia added.
Idinagdag pa niya na ang search and rescue operations ay nagsimula noong Biyernes ng madaling araw sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela na apektado ng pagbubukas ng mga spill gate ng Magat Dam upang palabasin ang tubig isang araw matapos na umalis sa bansa ang bagyong Ulysses.
Ang pagpakawala ng tubig ay nagresulta sa matinding pagbaha sa mga lalawigan at naging sanhi ng pag-abot sa critical level ng Cagayan River. Inilubog ng mga pagbaha sa Tuguegarao City, ang kabisera Cagayan Province, ang kabahayan at mga mababang pamayanan mula pa noong Biyernes ng umaga.
"Upang makatugon sa mas malawak na pangangailangan ng lalawigan, sinimulan na rin ng PCG ang pagpapadala ng karagdagan pang mga kagamitan at tauhan sa Isabela at Cagayan," sinabi ni Ursabia.
Nitong 12: 30 ng madaling araw ng Sabado, Nobyembre 14, ang Coast Guard District North Eastern Luzon ay nakapagligtas ng 276 indibidwal mula sa mga binahang pamayanan sa mga lalawigan.
Nagpapatuloy ang rescue operations, idinagdag ni Ursabia.
-BETHEENA UNITE