HINDI na kailangan pang maghintay ni Aldin Ayo sa kasagutan ng UAAP sa kanyang apela.
Nitong Lunes, pinangalanan si Ayo bilang head coach ng bagong binyag na Manila Chooks TM na binubuo nina PH no. 1 Joshua Munzon, no. 2 Alvin Pasaol, no. 5 Troy Rike, at no. 6 Santi Santillan.
“I’m very grateful because, for me, this will bring another dimension to my coaching career,” pahayag ni Ayo.
“Throughout my coaching career, it was the full-length of the court, but this time will be different. I can’t wait to try out new schemes for half-court.”
Naging sentro ng kontrobersya si Ayo nang dalhin niya sa bayan niya sa Camarines Norte ang UST Tigers para sa ‘bubble training’ na isang paglabag sa patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa kasagsagan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
Pinatawan siya ng ‘indefinite suspension’ ng UAAP, na kanya namang inaapela sa kasalukuyan.
Pinalitan ng 43-anyos collegiate champion coach si Eric Altamirano na nagbitiw upang ituon ang atensyon sa pagpapalago ng 3x3 pro league sa bansa.
“Both parties are on good terms. We will still be working with Coach Eric in the future,” pahayag ni BAVI sports and marketing director Mel Macasaquit.
“Coach Ayo is my personal choice,” pahayag ni BAVI president and 3x3 patron Ronald Mascariñas.
“He is the most decorated coach in college right now and we are excited that he is now here with us.”
Sa kanyang pagtitimon, napagkampeon ni Ayo ang Letran sa NCAA at ang La Salle sa UAAP bago lumipat sa UST na kanyang nadala sa Finals sa unang pagkakataon matapos ang apat na taon.
Hindi mahirap ang magiging katayuan ni Ayo sa koponan, higit at dati niyang player sa 2017 UAAP title sa La Salle si Santillan, habang siya ang nagdala kay Pasaol sa La Salle mula sa Letran gayundin kay Rike.
Pamilyar din si Munzon kay Ayo na naging kalaban ng Ironcon- UST sa koponan ng AMA sa PBA D-League.