OPISYAL na itinurn-over ng pamahalaan ng Japan kamakailan ang 425 metriko tonelada ng bigas sa National Food Authority (NFA) bilang tulong sa mga biktima ng pagputok ng Taal Volcano sa probinsiya ng Batangas nitong Enero, inanunsiyo ni Japan Ambassador to the Philippines Koji Haneda.

Isinagawa ang donasyon sa pamamagitan ng Ministry of Agriculture, Forestry, and Fisheries (MAFF) sa ilalim ng framework ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR).

“Japan doesn’t neglect victims of the volcanic eruptions despite the pandemic,” tweet ni Japanese Ambassador Koji Haneda.

Ibinigay ang mga sako ng bigas nitong Oktubre 26 na pangunguna ni Embassy economic minister Nakata Masahiro sa isang simpleng seremonya sa Batangas.

National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas

Dumalo rin sa pagtitipin sina NFA Administrator Judy Carol Dansal, Department of Social Welfare and Development Bureau (DSWD) Director Emmanuel Privado, at Batangas Provincial Administrator Levi Dimaunahan.

Ang APTERR ay isang regional cooperation initiative ng ASEAN, Japan, South Korea, at China na nakatuon sa pagbibigay-suporta sa mga bansa sa Southeast Asia na apektado ng mga kalamidad.

Taong 2002 nang magsimula ang inisyatibo sa ginanap na ASEAN+3 Ministerial Meeting on Agriculture and Forestry (AMAF+3).

Noong 2019, nagkaloob ang Japan ng 560 metriko tonelada ng bigas sa ilalim ng APTERR sa mga pamilya sa Ilocos Norte na naapektuhan ng Typhoon “Ineng” (Bailu) at sa mga taga-Pangasinan na sinalanta ng Typhoon “Jenny” (Podul).