Inaasahang makararanas ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente ang ilang lugar sa Metro Manila at anim pang karatig-lalawigan bunsod na rin ng pagkukumpuni ng Manila Electric Co. (Meralco) sa linggong ito.
Sa maintenance schedule ng Meralco, magsisimula ang maintenance works ngayong araw, Oktubre 12, at magtatagal hanggang sa Oktubre 19.
Kabilang sa mga apektado nito ang Cupang at Alabang, Muntinlupa City dahil sa relokasyon at rekonstruksiyon ng mga pasilidad na apektado ng Skyway Project sa South Luzon Expressway (SLEX) East Service Road, Bgy. Cupang, ngayong Oktubre 12 hanggang 13.
Sa Oktubre 13, apektado ang Gen. Trias City, Cavite dahil sa reconductoring ng mga pangunahing linya, pagpapalit ng mga poste at instalasyon ng mga karagdagang protection devices sa Arnaldo Highway sa Bgy. San Francisco; at Ayala Alabang, Muntinlupa City dahil sa reconstruction of facilities sa Acacia Avenue Extension.
Sa Oktubre 14 naman, apektado ang ilang lugar sa Muntinlupa City at Parañaque City dahil sa pagpapalit ng mga pasilidad sa SLEX – Sucat Exit sa Bgy. Sucat, Muntinlupa City; Damar, Quezon City dahil sa pagpapalit at instalasyon ng mga pasilidad sa Damortis Street sa Damar Village; at ilang bahagi ng Laguna at Quezon Province dahil sa paglilipat ng mga poste na apektado ng DPWH bridge widening project sa Lucban – Tayabas Road sa Bgy. Ibas, Tayabas, Quezon Province.
Sa Oktubre 14 at 15 naman, apektado ang Taytay, Rizal dahil sa unloading ng Dolores 34.5kV circuit 424XM habang sa Oktubre 15, apektado ang Carmona, Cavite dahil sa extension ng mga pasilidad sa Pine Crest Subdivision, Carmona Estates, Bgy. Lantic.
Apektado naman ang Sta. Rosa City, Laguna dahil sa line reconductoring works sa Diamond at Zircon Roads sa Sta. Rosa Commercial Complex, Bgy. Balibago sa Oktubre 15 hanggang 16.
Sa Oktubre 16 naman, apektado ang Tiaong at Dolores, Quezon Province dahil sa relokasyon ng mga pasilidad na apektado ng konstruksiyon ng South Luzon Tollway sa Tiaong-Dolores Road sa mga Bgy. Lalig, Bulakin at Bungoy sa Tiaong; at Dolores sa Quezon Province.
Sa Oktubre 17 naman, apektado ang Malolos City at Plaridel sa Bulacan dahil sa maintenance works sa loob ng Meralco – Silang substation habang sa Oktubre 18 naman, apektado ang Calamba City at Los Baños, Laguna, gayundin ang Sto. Tomas, Batangas dahil sa NGCP replacement of pole at upgrading of facilities sa Bay - Calamba 69kV transmission lines; Bagong Ilog, Caniogan Oranbo at Ugong, Pasig City dahil sa pagpapalit ng bulok na cross-arm at line reconductoring works sa Danny Floro Street (Canley Road) sa Bgy. Bagong Ilog; South Cembo, Makati City dahil sa pagpapalit ng mga pasilidad sa Gen. Malvar Street.
Sa Oktubre 18 at 19 naman, apektadong muli ang Gen. Trias City, Cavite dahil sa pag-upgrade ng mga pasildiad sa 115kV Amadeo – Gateway – FCIE transmission lines.
-Mary Ann Santiago