Isa pang teenager na naturukan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia ang binawian ng buhay nitong Oktubre 7, ayon sa Public Attorney’s Office (PAO).

Sa kanyang Facebook post nitong Biyernes, kinilala ni PAO chief Persida Acosta ang dalagita na si Ma. Vinna Mae Etang, 15.

Si Etang aniya ang ika-158 na binawian ng buhay dahil sa nasabing bakuna.

Nagsagawa na rin aniya ng autopsy ang PAO forensics team na pinangunahan ng hepe nito na si Dr. Erwin Erfe batay na rin sa kahilingan ng pamilya ni Etang.

National

Bam Aquino, hangad hustisya para sa mga biktima ng EJK: ‘Dinadamayan natin sila’

“Consistent po ang mga sintomas na naramdaman ng biktima doon po sa mga naramdaman ng mga biktima na na-examine po natin,” sabi namna ni Erfe.

Nakaramdam aniya si Etang ng pananakit ng tiyan, ulo at trangkaso.

“Ganoon din po ang nakita namin sa pag-examine ng kanyang labi na nakakita kami ng paglaki ng mga internal organs at pagdurugo po ng iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang pinaka-matindi po na pagdurugo ay nakita sa kanyang utak at sa kanyang dalawang baga,” pagdidiin ni Erfe.

Ayon kay Erfe, nagpalabas ng advisory ang manufacturer ng Dengvaxia na Sanofi Pasteur noong Disyembre 2015 kung saan sinasabi na ang mga naturukan ng bakuna na hindi pa nagkaka-dengue ay maaaring makaranasan ng viscerotropism, neurotropism, severe dengue at anaphylactic reaction.

Naiulat na hindi pa nagkakasakit ng dengue o naidadala sa ospital si Etang mula nang turukan ito ng Dengvaxia noong Marso 2016, Oktubre 2016, at 2017.

Natuklasan din ni Erfe sa pamilya ni Etang na nakitaan ito ng mga pantal sa balat, dumadaing sa sakit ng ulo at pagkahilo.

Matatandaang nagsimulang tumulong ang PAO sa pamilya ng mga biktima ng Dengvaxia upang mausig ang mga responsable sa kamatayan ng mga naturukan ng bakuna alinsunod na rin sa Department Order No. 792 na inilabas ng Department of Justice noong Disyembre 2017.

-Jeffrey Damicog