PORMAL na ipinaalam ng mga opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) sa House Committee on Youth and Sports Development sa ilalim ni Rep. Eric Martinez nitong Miyerkules, ang programa para sa paghahanda ng atletang Pinoy sa naudlot na Tokyo Olympics.
Iniulat ni POC Chef de Mission for Tokyo Olympics Mariano Araneta Jr., sa mga kongresista na kasapi ng komite, na ang bansa ay may kabuuang 86 atleta na sumabak at nakatakdang sumabak sa Olympic qualifying. May apat nang nakalusot sa quadrennial meet – sina pole vaulter EJ Obiena, gymnasts Carlos Yulo at boxers Irish Magno at Eumir Marcial.
Ang nalalabing Olympic hopefuls ay naghihintay pa ng approval mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa unti-unting resumption ng kanilang pagsasanay upang matamo ang mga requirement ng international multi-sport event.
Iniurong ang Tokyo Olympics sa Hulyo 2021 alinsunod sa desisyon ng Tokyo organizers at ng International Olympic Committee (IOC) batay na rin sa pagiwas sa COVID-19.
Inaprubahan din ng komite ang dalawang panukala, kabilang ang isang substitute bill sa House Bill 4594 na inakda ni Rep. Lucy Torres-Gomez. Layunin nito na ma-institutionalize sa kanayunan o grassroots ang sports development program kasama ang Local Government Units (LGUs) sa pagsusulong sa partisipasyon ng kabataan sa sports.
Samantala, ang House Bill 6339 o ang “Young Agripreneurs Act of 2020 na akda ni Rep. Sharee Ann Tan, ay pinagtibay rin ng komite ni Martinez.
Layunin nito na makuha at mapalakas ang kakayahan ng mga youth sector sa agrikulutra at entrepreneurship.
-Bert de Guzman