ANG higpit ng Kapamilya network sa mga artista nila sa pagpapatupad ng health protocols dahil sa bawa’t guesting pala sa kanilang mga programa ay may rapid test kaya kung may tatlong shows ka katulad ni Yeng Constantino ay tatlong beses ka rin magra-rapid test sa loob ng isang linggo.
Sa vlog ni Yeng na inilabas ng CS TV ay nabanggit niyang balik-hurado na siya sa It’s Showtime, kinabukasan may ASAP sila at nu’ng nakaraan ay may guesting siya sa Magandang Buhay bago ito nawala sa ere.
Sa pagpasok ni Yeng sa ELJ Building ay wala siyang kasama kaya bitbit niya ang backpack para sa gamit, food pack at make-up kit.
“Wala akong kasama kaya bitbit ko lahat, kasi bawal na. Kita n’yo mag-isa ako sa dressing room na dati ay magkakasama kami nina ate Kyla ngayon ay hindi na puwedeng magsama-sama sa iisang dressing room dahil nga sa social distancing. Medyo creepy pero ito ang pinaka-safest way. Mahirap mag-isa but this is not the hardest job in the world so I can’t complain,” kuwento ni Yeng.
Nag-make up na si Yeng habang hinihintay ang tawag sa kanya papasok sa studio na ilang oras na ang nakalipas ay hindi pa rin siya tinatawag kaya naisipan niyang mag-breakfast na.
“Hindi pa ako nagbe-breakfast, 2:15PM na (sabay pakita ng inihandang pagkain ng asawa), ito ‘ung prinepare ni Yan, nilagyan niya ako ng tubig at coffee at itong food ko, brown rice at togue,” sabi ni Yeng.
At nang matapos kumain ay hindi pa rin siya tinatawag ay nanood muna siya ng paborito niyang Korean novella at ilang oras ulit ay pinapasok na sila.
“Grabe wala talagang tao, kami-kami lang. Nakakapanibago pa rin,”sambit ni Yeng.
Hanggang sa natapos ang show, “isang linggo ako sa Showtime bilang isang Punong hurado, salamat sa Showtime at thank you for watching this vlog,” say ni Yeng.
Labis na nagpapasalamat pa rin si Yeng dahil kahit hindi na binigyan ng prangkisa ang ABS-CBN au tuluy-tuloy pa rin ang Kapamilya network sa paghatid ng saya sa kanilang loyal viewers sa pamamagitan ng Showtime at ASAP.
-Reggee Bonoan