Hindi pa masabi ng Department of Health (DOH) kung tuluyan na ngang mapa-flatten ang curve ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa pagsapit ng Setyembre.
Nilinaw ito ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire kasunod ng pahayag ng ilang eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na posibleng ma-flatten na ang COVID-19 curve sa susunod na buwan.
Ayon pa kay Vergeire, ikukonsidera at ginagamit nilang gabay ang mga naturang projection sa pagbuo ng mga interventions para mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
“Hindi pa natin masasabi. Nothing is certain at this point. Although, itong mga models na ito, itong mga forecast na ito, tinitingnan natin para magabayan din po natin ang ating response kung paano tayo magkakaroon ng interventions,” ani Vergeire, sa isang panayam sa telebisyon.
Hinggil naman sa isyu kung ang naitalang 194,000 kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa ay posibleng ‘peak’ na ng virus, sinabi ni Vergeire na, “hindi pa po natin masasabi sa ngayon kung ito na ‘yung peak at kung makakapag-flatten tayo ng curve pagdating po ng katapusan ng September.”
Dagdag pa ni Vergeire, dapat ring ikonsidera ang healthcare system at hindi lamang ang bilang mga COVID-19 cases sa pag-assess ng sitwasyon sa bansa.
“We just need to understand na kapag tinignan natin ang ating mga datos kailangan kasama po niyan sa pag-aaral ‘yung ating capacity ng health system. So it is not just number of cases,” aniya.
Tiniyak naman ni Vergeire na sa ngayon ay maayos naman ang pamamahala sa COVID-19 case at ang ating healthcare system.
Mary Ann Santiago