Nais ng Manila City government na mai-deport pabalik sa China ang dalawang Chinese na sinasabing utak ng brand label na “Manila, Province of China” kamakailan.
Sa kanyang Facebook live, tinukoy ni Mayor Isko Moreno sina Shi Zhong Xing at Shi Li Li na naglagay sa Manila bilang province sa labels ng cosmetic products na ibinebenta ng Elegant Fumes Beauty Products Incorporated.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang ginawa ng mga nabanggit na Chinese.
“Dalawang Chinese (ay nag-ooperate ng business establishment). Akin pong gagawin ay susulat sa Bureau of Immigration to deport and declare these two Chinese as undesirable aliens,” aniya.
“Hindi po ito katanggap-tanggap sa akin bilang Pilipino, bilang Manileño. Hindi po natin papayagan ito. Ang Binondo ay bahagi po ng Maynila at ang Maynila ay bahagi Pilipinas. Ang maynila ang kapitolyo ng bansa, hindi po ito probinsya ng China; at ni minsan, hindi ito naging bahagi ng Tsina sa anumang lathalain o kasaysayan na naitala sa panahon natin at panahon ng ninuno natin,” dagdag pa ng alkalde.
“Hindi po ako governor ng China, Mayor po ako ng Manila, Philippines. Yan po ang address ng Maynila. Maynila ay Pilipinas, at ang Pilipinas ay malaya. May sariling soberentiya,” dagdag pa nito.
-Mary Ann Santiago