Kung si Paeng Nepomuceno, four-time World Cup champion, ang masusunod nais niyang maisama ang bowling sa paglalabanan sa Olympic Games.
Naniniwala si Nepomuceno, hinirang na Ambassador of the Sport, na dapat ituring ang bowling bilang isang regular sport sa quadrennial Summer Games. Sisikapin niyang ito ay maisama sa Olympic calendar.
Aniya, ikakampanya niya sa International Olympic Committee (IOC) na maging isang Olympic event ang bowling. Malaki ang posibilidad na makumbinsi ni Nepomuceno ang IOC, lalo na at siya’y recipient ng President’s Trophy, pinakamataas na sports award, sa Abu Dhabi noong 1999.
Ang 63-anyos na si Nepomuceno ay four-time World Cup champion. Napili ring “Athlete of the Millenium” ng FIQ, o ang sport’s world governing body sa bowling.
Siya rin ang unang male bowler na itinalaga sa International Bowling Hall of Fame noong 1993 sa Arlington, Texas, na kung saan may itinayong rebulto bilang parangal sa kanya.
Sinabi ni Nepomuceno na kailangan ang pagkakaroon ng pasensiya, pagsisikap at pagtitiis na maisama ang bowling sa Olympics. Ang golf at ang tennis ay naisama na sa event.
-Bert de Guzman