Binalikan at inalala ng Filipina professional tennis player at kasalukuyang world rank no. 32 sa Women’s Tennis Association (WTA) na si Alexandra “Alex” Eala ang halaga umano ng simula ng kaniyang pagsali sa Miami Open noong Marso 2025.
Matatandaang isa sa mabigat na nakamit ni Eala sa nasabing event sa Miami ang naging pagpapataob niya noon sa five-time grand slam champion na at world rank no. 2 na si Iga Swiatek upang makapasok sa semi-finals.
World rank no. 140 pa lang noon si Eala ngunit dinomina at naipalo niya pa rin ang laban sa ilan pang world champions na sina Jelena Ostapenko na world rank no. 25 pa lang noon at dating French Open Champion, at si Madison Keys na world rank no. 5 noon at Australian champion.
KAUGNAY NA BALITA: 19-anyos na Pinay tennis player, umariba sa Miami Open; pinataob world's no. 2
Ayon naman sa naging pahayag ni Eala, mag-iisang taon na ang nakalipas, nitong Lunes, Marso 9, 2026, sinabi niyang ang pagsali niya sa Miami Open noong 2025 ang nagbigay sa kaniyang pinakamalaking resulta para lumago bilang atleta.
“I think that Miami run was really big. It was my biggest result,” pagsisimula niya.
Ani Eala, iyon ang nagsilbing “spark” na nagpalaki sa apoy niya bilang isang atleta dahil marami raw siyang natutunan sa mga naging laban niya sa Miami Open 2025.
“And I think that was kind of the spark that lifted the fire. I learned too much from that week and I’ll remember it as that,” aniya.
Pagpapatuloy ng atleta, sobrang dami na raw nangyari simula noong Marso 2025 at may malaking naitulong daw ito para sa kaniyang paglago bilang atleta at bilang indibidwal.
“But there are so many things that have happened then and now that added to how I grew as a player, and as a person,” saad niya.
Ayon pa kay Eala, “maturity” at karanasan mula sa mga nakalaban pa niyang malalakas na katunggali at sinalihang bibigating mga kompetisyon magmula noon ang malaking bagay na kaniyang mga natutunan.
“I think, one of the biggest things is maturity [and] experience being able to surround myself consistently with these high-level tennis players and these high-level of competitions,” ‘ika niya.
“It pushes me to be better. So I’m trying to find my limits and go past that,” pagtatapos pa ni Eala.
Samantala, kasalukuyan namang nakikipagtunggali si Eala sa Indian Wells Open sa California.
Huli niyang tinalo nitong Lunes (araw sa Pilipinas), Marso 9, 2026, ang kasalukuyang world rank no. 4 na si Coco Gauff sa round of 32 match ng torneo.
Nakalamang si Eala kay Gauff sa mga set score na 6-2, 2-0 kung saan hindi inaasahang magretiro ng kaniyang katunggali dahil sa injury.
Samantala, nilinaw naman ni Eala matapos ang kanilang naging laban ni Gauff na hindi raw niya ginustong manalo sa ganoong paraan ngunit masayang nakakaharap ang matitibay na katunggali sa Stadium 1 ng Indian Wells Open.
MAKI-BALITA: 'Keep it up!' Manny Pacquiao, proud na proud kay Alex Eala
MAKI-BALITA: Alex Eala, inakyat ulit new-career high bilang rank 40 sa mundo!
Mc Vincent Mirabuna/Balita