Ipinanukala ng isang kongresista na gamitin ang may isang milyong silid-aralan na nasa mga komunidad sa buong bansa bilang quarantine facilities para sa asymptomatic at mild coronavirus disease 2019 (COVID-19) positive individuals.
Sa kanyang panukala, sinabi ni Marikina 1st District Rep. Bayani Fernando, malaking tulong ito upang mapigilan ang paglaganap ng virus.
Nilinaw ni Fernando na tanging mga kumpirmadong asymptomatic at mild patients lamang ang isasailalim sa quarantine at gagamutin naman sa ospital ang mga pasyenteng ikinokonsiderang kritikal.
“I am proposing that asymptomatic individuals be quarantined in classrooms and the ratio would be 1:1 or one classroom, one COVID-19 positive person. In this way, we can prevent further transmission,” ani Fernando.
Aniya, ang standard 63 square meter classrooms ay may maayos na bentilasyon, ilaw at iba pang amenities kumpara sa maraming bahay na naka-isolate ang asymptomatic COVID-19.
“We have around one million classrooms across the country and these are located in the communities. I believe that most of our classrooms are equipped with electric fans especially in cities where COVID is prevalent,” paliwanag pa ng kongresista.
-BERT DE GUZMAN