Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na umabot na sa ‘danger zone’ ang kapasidad ng mga ospital sa bansa sa pangangalaga sa mga pasyente ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Paliwanag ni Vergeire, ang ‘danger zone’ ay nangangahulugan na okupado na ng mga pasyente ang mahigit sa 70% ng hospital beds na inilaan para COVID-19.
Aniya, ang public hospitals sa Metro Manila ay naglaan ng may 20 porsiyento ng kanilang kapasidad para sa COVID-19 patients habang ang private hospitals ay porsiyento.
Kaugnay nito, tiniyak ni Vergeire sa publiko na magbubukas ng mga bagong units ang medical centers para makapag-accommodate ng iba pang mga pasyente ng sakit sakaling kailanganin.
“Katulad ng nabanggit ni Dr. (Rustico) Jimenez and (DOH) Usec. (Leopoldo) Vega yesterday, we are in the danger zone. Ibig sabihin more than 70 percent na po ang utilization ng COVID beds natin,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa radyo.
Kinausap na rin aniya ni Health Secretary Francisco Duque III ang namamahala sa mga pagamutan at hiniling na palawakin pa ang kanilang COVID-19 units, sakaling magpatuloy ang pagdami ng COVID-19 cases.
“Ito naman ay sinusunod. Katulad last week, nakita natin na talagang nagbubukas na ng units ang ating mga ospital dito sa Maynila para ma-accommodate ang mga pasyente,” aniya.
Nauna rito, dalawa pang pribadong pagamutan sa bansa ang nagkumpirma nitong Lunes na ang kanilang intensive care unit (ICU) beds para sa COVID-19 patients ay umabot na sa “full capacity” nito.
Samantala, sinabi rin ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na nasa ‘danger zone’ na sila.
Ayon kay Dr. Rustico Jimenez, ang pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI), nasa 10% na ng may 400 private hospitals sa Metro Manila ang nakaabot na sa full capacity sa pag-accommodate ng COVID-19 patients.
Aminado siya na hindi kayang ialok ng mga pribadong pagamutan ang 30% ng kanilang kapasidad para sa COVID-19 patients dahil kinukulang na sila ng health workers, na karamihan ay nahahawa na rin ng karamdaman sa kanilang mga pasyente.
Dahil dito, aniya, ang mga mayroon lamang mild na sintomas o asymptomatic ay pinapayuhan nilang sa quarantine centers muna ng pamahalaan magpa-admit o mailipat upang maalagaang mabuti ng private hospitals ang COVID-19 patients na malala ang karamdaman.
“Marami po yung health workers natin natatamaan ng COVID. Magpapahinga ng 14 days, kinukulang tayo ng health workers kaya di rin natin mapu-provide yung 30 percent,” aniya.
Nabatid mula sa DOH na hanggang nitong Lunes ng hapon ay nakapagtala na ang Pilipinas ng 57,006 COVID-19 cases, kung saan 20,371 ang nakarekober at 1,599 ang namatay.
Mary Ann Santiago