SA gitna ng walang pag-ugong ng mga tagubilin hinggil sa pag-iingat sa kinatatakutan at nakamamatay na COVID-19 na gumigiyagis hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong daigdig, nais ko namang sariwain ang dalawa sa maraming katangian ni Presidente Ramon F. Magsaysay -- pagkamakabayan at kapakumbabaan o humility; mga katangian na naging bahagi ng aking personal na obserbasyon noong siya ay nabubuhay pa bilang ika-7 pangulo ng ating Republika.
Nagkataon na ginugunita natin ngayon ang ika-63 taon ng kamatayan ni Magsaysay. Siya at mga miyembro ng kanyang Gabinete at iba pa, ay hindi nakaligtas nang bumagsak sa Mt. Manunggal sa Cebu ang sinasakyan nilang Mt. Pinatubo presidential plane. Si Nestor Mata, ang ating kapatid sa pamamahayag, ang tanging nakaligtas sa malagim na sakuna.
Sa kabila ng aking pagtalakay sa naturang paksa, nais ko ring bigyang-diin na marapat nating ulit-ulitin at lalong paigtingin ang mga paalala laban sa COVID-19; mga tagubilin na dapat nating sundin upang hindi na kumalat o lumaganap ang naturang sakit o virus na ngayon ay itinuturing nang isang pandemic. Ibig sabihin, laganap na ito sa iba’t ibang panig ng mundo na nagiging dahilan ng kamatayan ng iba’t ibang lahi.
Nasaksihan ko ang pagiging makabayan ni Magsaysay nang siya ay maglatag ng mga estratehiya laban sa mga naliligalig ng ating mga komunidad. Simula nang siya ay Department of National Defense Secretary hanggang sa maging Pangulo, walang humpay ang kanyang pagtugis at pagpapasuko sa mga galamay ng HUKBALAHAP (Hukbong Bayan Laban sa Hapon). Mistulang binali ni RM, (tawag sa kanya bilang Idolo ng Masa o Man of the Masses) ang gulugod ng kilusang HUK. Ang mapanganib na mga pakikipagsapalarang ito ng Pangulo ay sinundan ng katahimikang inaasam ng sambayanan.
Ang naturang pakikipagsapalaran at iba pang paninindigan sa makabuluhang mga patakran ni RM ay pinag-isa sa sinulat niyang sanaysay: Positive Nationalism. Ito rin ang naging paksa ng pambansang timpalak na nilahukan ng halos lahat ng high school sa buong bansa. Hinggil ito sa pagsasalin sa Tagalog o Filipino ng naturang sanaysay -- ang Tapat na Pagkamakabayan -- na noon ay naging bukam-bibig sa mga paaralan.
Naipamalas din ni RM ang kanyang kababaang-loob at pagmamahal sa masa nang walang kinikilangan nang kanyang binuksan ang Malacañang upang malayang makapasok ang lahat; nakakahalubilo ang sinuman. Siya ang tunay na Idolo ng Masa.
-Celo Lagmay