KAHIT umiiral na ang Anti-Hazing Act (AHA), nilagdaan pa rin ni Pangulong Duterte ang Proclamation No. 907 na nagtatakda sa ikalawang linggo ng Pebrero taon-taon bilang National Hazing Prevention Week (NHPW). Nangangahulugan lamang na kailangan pa ang dagdag na ngipin, wika nga, ng naturang batas upang ganap na masugpo ang barbarikong pagpaparusa sa mga initiation rites ng mga fraternity sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa kapuluan. Matagal nang kinundena ang gayong sistema ng pagpapahirap sa mga neophyte na nagnanais maging lehitimong miyembro ng mga kapatiran.
Bagamat naging kasapi rin ng isang fraternity, naniniwala ako na hindi katanggap-tanggap ang makahayop na initiation rites sa mga fraternity na naging dahilan ng kamatayan ng ilang neophyte. Psychological approach ang estratehiya na pinairal namin sa pagtanggap ng mga miyembro; taliwas ito sa sistema na kinasangkapan ng ilang kapatiran na tinatampukan ng pagkulata ng sagwan, pagsunganga ng iba’t ibang pagkain at alak -- at iba pang malagim na pagpapahirap na hindi lamang marapat maiwasan kundi lubos na masugpo.
Sa ilalim ng nabanggit na Presidential Proclamation, tama lamang na atasan ang Commission on Higher Education (CHED) na pangunahan at pamahalaan ang naturang taunang AHPW. Pangunahing adhikain nito na matuldukan ang hazing at iba pang hindi kanais-nais na pamamaraan na isinasagawa ng mga fraternity. Marapat lamang na maging katuwang sa makabuluhang selebrasyon ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kabilang na ang mga state colleges and universities na malimit pagdausan ng mga initiation rites. Hindi maaaring ipagwalang-bahala ang aktibong partisipasyon ng mga pribadong sektor upang matiyak ang tagumpay ng AHPW.
Totoo na ng mga fraternity ay naging bahagi na ng ating mayamang kultura na nagpapatingkad sa kapatiran ng mga kasapi sa iba’t ibang organsisasyon. Kahit na noong panahon ng ating mga bayani, kinasangkapan din nila ang naturang pagkakapatiran laban sa pagmamalabis ng mga dayuhang mananakop. Subalit, sa aking pagkakatanda, hindi nila pinairal ang barbaraikong pamamaraan sa pagpapanatili ng pagkakabuklod-buklod ng kanilang samahan.
Sa ganitong situwasyon, naniniwala ako na ang magkatuwang na pagpapatupad ng AHA at APWH ay makalilipol sa matagal na nating kinasusuklaman at isinusumpang barbarismo sa mga fraternity.
-Celo Lagmay