MAKAMANDAG, wika nga, ang diwa ng utos ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP): Tuldukan ang jueteng at iba pang illegal gambling sa bansa sa loob ng isang linggo. Ibig sabihin, ang sinumang alagad ng batas -- mga pulis at mga opisyal -- ay kakasuhan at kaagad patatalsikin sa kani-kanilang mga puwesto.
Natitiyak ko na ang naturang utos ay nakaangkla sa mga direktiba ni Pangulong Duterte hinggil sa paglipol hindi lamang ng mga iligal na sugal kundi ng illegal drugs at mga katiwalian na talamak sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Ang pagtalima at pagpapaigting sa naturang direktiba ang sinasabing lubhang kailangan sa hangarin ng Pangulo na lumikha ng isang matatag at malinis na gobyerno.
Kamakailan, tandisang iniutos ni PNP Director General Archie Francisco Gamboa: “I am giving you a week. If you will not stop illegal gambling, I will relieve you.” Ang naturang utos ay nakaukol sa lahat ng regional directors sa buong kapuluan na nauna nang pinadalhan ng listahan ng mga gambling operators sa kani-kanilang mga nasasakupan. Kasabay ng utos ang pagbibigay-diin ni Gamboa: No take policy. Ibig sabihin, walang sinuman ang dapat tumanggap ng suhol sa mga gambling lords.
Gusto kong maniwala na ang nabanggit na utos ay halos imposibleng maipatupad ng kinauukulang mga alagad ng batas. Hindi ito isang pagmamaliit sa ating mga PNP force na ang karamihan ay matapat din namang tumutupad sa pinanumpaan nilang mga tungkulin. Subalit isang katotohanan na ang pamamayagpag ng jueteng at iba pang illegal gambling ay patunay ng pagbibigay ng proteksiyon ng ilang enforcers. May makapagpapasinungaling ba na naririyan pa rin ang patagong pag-iral ng iba’t ibang anyo ng sugal?
Walang alinlangan na talagang matindi ang hangarin ni Gen. Gamboa na lipulin ang jueteng at iba pang illegal gambling. Katunayan, pati ang pagsusugal sa mga paglalamay sa mga namatayan ay mahigpit na ipinagbawal sa kabila ng pakiusap ng mismong mga namatayan na huwag na silang idamay. Ang gayong aktibidad ay naging bahagi na ng mayamang kulturang Pilipino na mahirap talikuran.
Maging ang jueteng ay mahirap na ring puksain sa kabila ng katotohanang isa rin itong anyo ng sugal. Naalala ko ang tinagurian naming lola ng bayan sa aming barangay na isinilang at sumakabilang-buhay na isang kubrador ng jueteng.
Gayunman, naniniwala ako na ang naturang mga illegal gambling, kabilang na ang mga katiwalian sa lipunan ay masusugpo. Dapat lang tiyakin na ang ating mga alagad ng batas -- at iba pang law enforcers -- ay hindi magbibingi-bingihan, bulag-bulagan at tikom ang bibig sa pamamayagpag ng jueteng at iba pang sugal.
-Celo Lagmay