NAGDUDUMILAT ang ulo ng balita o headline ng ating pahayagan: SORRY MR. PRESIDENT. Bunsod ito ng paghingi ng paumanhin ng pamunuan ng ABS-CBN kay Pangulong Duterte kaugnay ng mistulang hidwaan hinggil sa masalimuot na political advertisement na sinasabing bumabatikos sa Pangulo noong 2016 presidential elections.
Sa Senate hearing kamakailan, hindi nailingid ang pinaniniwalaan kong buong pagpapakumbabang paghingi ng paumanhin ni ABS-CBN President and Chief Executive Officer (CEO) Carlo Katigbak kaakibat ng pahiwatig na ‘not perfect’. Ibig sabihin, maaaring sila ay may pagkukulang sa pagtimbang ng naturang masalimuot na isyu na maaaring hindi naman naging katanggap-tanggap sa Pangulo. Sa naturang pagdinig, naihanay ng naturang opisyal ang umiiral na mga patakaran hinggil sa political advertisements.
Hindi ko matiyak kung ang nabanggit na paghingi ng ‘sorry’ o paumanhin ay tinanggap na ng Pangulo, bagamat tila nagpahiwatig ang Malacañang: Bakit ngayon lang? Nais marahil nilang ipakahulugan na huli na ang lahat. Sa isang matalinhagang paglalarawan: Naganap na.
Sa pagtalakay sa nabanggit na mga isyu, wala ako intensiyong pakialaman ang sistema ng pagnenegosyo ng naturang higanteng network. At lalong hindi ko pinanghihimasukan ang paninindigan ng administrasyon hinggil sa umano’y hidwaan na tila naisisingit sa pagtalakay sa ABS-CBN legislative franchise.
Manapa, nais ko lamang makiramay sa pangamba ng libu-libong kawani ng naturang network na natitiyak kong binabagabag ngayon ng matinding agam-agam; walang katiyakan ang kanilang magiging kapalaran dahil nga sa napipintong pagtatapos ng ABS-CBN franchise. Tulad nga ng madamdaming pahayag ng opisyal ng unyon ng mga manggagawa sa nasabing kompanya: Saan pa sila hahanap ng trabaho; malabo na sila ay matanggap sa ibang network. Kabilang na rito ang atin namang mga kapatid sa media -- ang mga broadcast journalist -- na pinaniniwalaan kong hindi dapat maging biktima ng mistulang pagbabangayan. Hindi dapat idamay ang kanilang makabuluhang misyon tungkol sa pagtatanggol ng kalayaan sa pamamahayag o press freedom.
Sa harap ng ganitong nakababahalang situwasyon, naniniwala ako na ang paghingi ng paumanhin ng ABS -CBN officials at ang pagpapatawad ng Pangulo ng ating Republika ang makapagpapahupa sa alalahanin ng ating mga kapamilya. Sabi nga ng mga Kano: To err is human, to forgive is divine. Hindi ba ito ang tunay na diwa ng paghingi ng paumanhin at pagpaptawad?
-Celo Lagmay