SA kabila ng paminsan-minsang panlulupaypay ng pagsasaka dahil sa mga kalamidad, wala akong makitang dahilan upang ang mga magbubukid ay kumalas sa binubungkal nilang mga bukirin. Bagkus, naniniwala akong lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang mga pagsisikap na malampasan ang mga problema sa agrikultura tungo sa pagkakaroon ng sapat na produksiyon sa pamamagitan ng makabagong paraan ng pagsasaka.
Sa bahaging ito, hindi maaring ipagwalang-bahala ang mga pagsisikap ng iba’t ibang print at broadcast outfit sa pagpapalaganap ng makatuturang mga impormasyon hinggil sa mga kaalamang pang-agrikultura. Ang himpilan ng DZMM-teleradyo ng ABS-CBN, halimbawa, ay nagtatanghal hindi lamang ng mga modernong sistema ng pagsasaka kundi maging ng iba’t ibang kaalaman tungkol sa pag-aalaga ng baboy, manok, kambing, kuneho at iba pang livestock o alagang hayop.
Itinatampok din sa naturang programang ‘Sa Kabukiran’ ang mga makabagong pamamaraan ng pagtatanim at pagpapabunga ng mga fruit-bearing trees na tulad ng mangga (nandokmay at tsokonan), langka, lanzones, rambutan at iba pa. Sa pamamagitan ng itinuturing na God-given talent ni Dr. Bernie Dizon -- ang sa aking pagkakaalam ay nag-iisang ‘pomologist’ o fruit-bearing tree expert sa bansa -- naririnig at napapanood natin ang iba’t ibang sistema ng pag-aalaga ng mga namumungang punong-kahoy. Kabilang dito ang tinatawag niyang double at triple root stock -- pagdudugtong ng scion at sanga ng mother tree upang mapadali ang pagpapalaki at mabilis na pagpapabunga ng mga grafted trees.
Ang naturang radio program na maraming taon nang isinasahimpapawid ay pinangungunahan ng ating kapatid sa pamamahayag na si Rod Izon, lalong kilala sa taguriang Patrol 12; katuwang niya bilang co-host si Che-Che Masicat. Nagbabahagi rin ng kanilang mga kaalaman sa iba’t ibang larangan ng pagsasaka sina Ka Ben Laurente, Ka Jun Espiritu, Ka Isme Reyes, Ka Gery Balmejo, Ka Lino Boa at iba pa. Sila, tulad din ng iba pa nating mga kapatid sa media, ang maituturing na mga kaagapay ng ating mga kababayan na naghahangad na lumawak ang mga kaalaman sa iba’t ibang larangan ng agrikultura.
Sa bahaging ito, nais kong ipaabot ang aking pasasalamat sa ABS-CBN, anuman ang kahinatnan ng prangkisa nito, dahil sa pagtatampok ng aking maikling talambuhay. Sa pamamagitan nga ng ‘Sa Kabukiran’ ng DZMM, itinanghal nito ang isang bahagi ng aking buhay bilang supling ng isang tunay na magsasaka -- Sa Landas ng Tagumpay.
Kasabay nito ang aking panawagan sa ating mga kapuwa anak ng mga magbubukid na pag-ibayuhin ang pagsasaka upang ang ating bansa ay maging isang rice-exporting country mula sa pagiging rice-importing country.
-Celo Lagmay