SA panahong ito na tayo ay ginigiyagis ng katakut-takot na problema na tulad nga ng nakamamatay na Covid-19 na unang tinawag na New Coronavirus (nCoV), biglang sumagi sa aking utak ang bukambibig ng marami nating kababayan: Laughter is the best medicine. Ibig sabihin, ang pagtawa o paghalakhak ay isang gamot na kung tagurian ay ‘free commodity’ o medisina na hindi binibili, ito ay pinaniniwalaan kong lulunod sa matinding kapighatian na bumabagabag sa ating damdamin; alalahanin na likha ng naturang virus o karamdaman na pumatay na ng marami at naglagay sa libu-libong iba pa sa Patients Under Investigation (PUIs).
Gayundin ang pangamba at sindak na inihatid sa atin ng nakamamatay ding African Swine Fever (ASF) na nanalanta sa ating mga kababayang hog raisers sa iba’t ibang panig ng kapuluan, bukod pa sa maliliit na backyard hog raisers; libu-libong baboy na ang pinatay dahil sa naturang sakit na naglagay sa panganib sa halos 250 billion peso hog industry sa ating bansa.
Mabuti na lamang at tila humuhupa na ang pangamba na likha ng ASF dahil na rin marahil sa paulit-ulit na panawagan ni Pangulong Duterte sa sambayanan na magtulungan upang mabawasan kundi man ganap na masugpo ang naturang mapanganib na sakit ng ating mga baboy. Gayon din ang tindi ng panawagan ng Department of Agriculture na hanggang ngayon ay patuloy na nagpapalaganap ng makabuluhang mga impormasyon at tagubilin hinggil sa kailangang kooperasyon ng sambayanan laban sa ASF.
Sa gayong mga pangamba at sindak na inihahasik ng nasabing mga sakit sa tao at mga alagang hayop, naniniwala ako na malaki ang epekto ng pagtawa upang maibsan ang pinapasan nating mga alalahanin, at maging ng mga mamamayan ng ibang lahi. Lalo na kung iisipin na ang ating bansa -- tulad din marahil ng iba pang bansa sa daigdig -- ay pinamumugaran ng tinatawag na broken hearts, broken homes at broken dramas. Nangangahulugan na ang problema ay hindi malayong mapahuhupa sa pamamagitan ng paghalakhak at pagiging masaya o humurous. Malimit ipaalala ng mga manggagamot ang tinatawag na laughter theraphy ay magdudulot ng kaluwagan sa paninikip ng ating dibdib.
Madalas banggitin ng ilan sa ating mga kapatid sa propesyon ang minsan sinabi ni US President Abraham Lincoln: “With the painful strain that is upon me day and night, if I did not laugh, I should die. And you need this medicine as much as I do.” Ang paniniwalang ito ang maaaring nagbibigay-buhay sa kanyang mga Cabinet meetings.
Walang alinlangan na ang pagtawa ang nagpapasigla at nagpapaaliwalas ng ating isipan at lumulunod sa ating mga kapighatian at kabiguan sa buhay.
-Celo Lagmay