HINDI pa man ganap na nasusugpo ang nakamamatay na African Swine Fever (ASF) na mistulang lumipol sa ating mga babuyan, isa na namang panganib sa paghahayupan ang nagparamdam -- isang sakit na hindi malayong puminsala sa pinanggagalingan ng ating pagkain. Sa pagkakataong ito, tila pesteng gumagapang sa ating mga manukan ang nakamamatay din at minsan nang kinatatakutang bird flu o avian influenza (AI) virus.
Magugunita na ang bird flu ay nanalanta sa ating mga manukan, halos dalawang dekada na ang nakalilipas. Libu-libong mga manok ang hindi pinaligtas ng naturang sakit na naging dahilan ng kamuntik nang ganap na lumumpo sa ating poultry industry. Nagkataon na ang pananalanta ng AI ay nagsimula sa aming lalawigan sa Nueva Ecija at lumaganap sa iba’t ibang panig ng Luzon; mabuti na lamang at naagapan ang pagtawid nito sa iba pang probinsya sa Visayas at Mindanao.
Bagamat hindi masyadong nararamdaman ang kamandag, wika nga, ng bird flu o AI, hindi maiaalis na ang malalaking poultry raisers, kabilang na ang tinatawag na mga manukan sa likod-bahay, ay sagilihan ng matinding pangamba; hindi maliit na halaga ang puhunang kailangang sa naturang negosyo, bukod pa sa hirap at pagod kaakibat din sa pagmamanukan.
Mabuti naman at ang pangambang ito ay kaagad pinawi ng gobyerno na umaasa rin sa poultry industry bilang solusyon sa pagdarahop sa pagkain. Sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), tiniyak ng administrasyon ang kahandaan nito laban sa paglalaganap ng bird flu. Naglatag ito ng mga hakbang na sinasabing ganap na papawi sa pangamba ng ating mga kababayan, lalo na sa mismong mga poultry raisers.
Marapat lamang paigtingin ang pagbabawal sa importasyon ng poultry products mula sa China, ang bansa na hinihinalang pinagmumulan ng bird flu; kabilang na ang iba pang lugar na tulad ng South Korea, Germany, France, the Netherlands at Poland na sinasabing may positive cases ng naturang sakit.
Sa bahaging ito, kailangang maging maagap ang Bureau of Customs sa pagsusuri ng mga smuggled poultry products na maaaring nakalulusot sa iba’t ibang pantalan o port of entry. Bukod sa pagkumpiska sa naturang puslit ng mga kargamento, dapat ding papanagutin ang mga may kagagawan ng gayong smuggling activity.
Hindi rin dapat magpapaumat-umat ang kinauukulang ahensiya sa pagsasagawa ng bird flu surveillance sa mga lugar na pinamumugaran ng mga migratory birds na may taglay na AI. Sa gayon, maagap na mahahadlangan ang paglipad ng mga ito sa iba pang manukan.
Anupa’t kailangang mapanatili ang kalusugan ng ating poultry industry na lubhang kailangang sa pagkakataon ng sapat na pagkain.
-Celo Lagmay