BAGUIO CITY – Nanawagan ang Baguio-Benguet Sultanate sa pangunguna ni Sultan Bob Torres, na ipagpatuloy ang pagkakapatiran at pagkakaisa ng mga Muslim na naninirahan sa lungsod, tungo sa maunlad na pamumuhay.
Ang panawagan ay ginawa ni Torres sa ginanap na Muslim general assembly sa Malcom Square Park, kasabay ang
panunumpa ng mga bagong opisyales ng Baguio-Benguet Muslim Assocation sa pamumuno ni Imam Sam Sonib.
“ Noon pa man ay walang hinangad ang Sultanate ang pagkakaisa ng Muslim community sa ating lugar,pero kapag dumadating ang eleksyon ay nagkakawatak-watak, dahil may ibang gustong mamuno para gamitin ito sa pulitika, sana naman ay huwag nang mangyari pa ito at huwag gamitin ang Muslim sa pulitika,” pahayag ni Torres.
Si Torres na isang balik-Slam ay naninirahan sa Baguio City mula pa noong 1950’s, ay kinilala bilang isang Muslim leader sa siyudad, hanggang ideklara siyang lider ng Sultanate sa Baguio-Benguet, dahil sa pagiging matulungin nito, hindi lamang sa Muslim, kundi maging sa Kristyano.
Aniya, ang isang tunay na lider ay may takot at sumasampalataya sa mga batas na gustong ipatupad ni “Allah”. “ Ang isang lider ng anumang samahan ay kailangang tapat at may malasakit sa kanyang mga kasamahan at komunidad at kailanman ay hindi dapat gamitin ang grupo sa pansariling kapakanan,lalong-lalo na sa pulitika na makakasira sa nakakarami,” wika pa ni Torres.
Samantala, sa kabila ng anim na taon na pamumuno ni Imam Sonib at sa kabila ng mga paratang at mga intriga na ikinasakit ng kanyang loob at ng kanyang pamilya, ay muli niyang tinanggap ang maging lider ng asosasyon.
“Wala akong hinangad kundi ang magkaisa ang Muslim community, pero nasaktan ako,lalo na aking pamilya sa mga patratang at masamang intriga sa akin mula sa ilan naming kababayan na may pansariling interes. Binalewala koi to, ang mahalaga ay naipatupad ko na maging tapat at responsableng lider sa aking komunidad at sa lungsod at kailanman hindi nagpagamit sa pulitika,” pahayag ni Imam Sonib.
Ang Baguio-Benguet Muslim Association ay nanumpa sa harap ni City Prosecutor Elmer Sagsago sa pamumuno ni Imam Sam Sonib at mga opisyales na sina Vice President for Internal Affair Abdul Salam Calde; Vice Pres.for External Affair Abet Mona; Secretary Sajid Panansar; Treasurer Hansary Comaradang; Auditor Ali Tingaraan; PRO Haref Kasanguan .
-Zaldy Comanda