HABANG tumatagal, lalong tumitindi ang sindak at pangamba na inihahasik ng itinuturing na nakamamatay na mga salot -- ang Novel Coronavirus (nCoV) at African Swine Fever (ASF). Ang nCoV ay pumapatay ng mga tao samantalang ang ASF at iba pang sakit ay pumupuksa ng mga baboy at iba pang alaga nating mga hayop.
Hindi biro ang kilabot, wika nga, na taglay ng nabanggit na mga sakit o infectious diseases na kapuwa nagmula sa ibang bansa. Ang nCoV halimbawa, ay ikinamatay na ng daan-daang pasyente mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang na ang isang pasyente na namatay dito; bukod pa rito ang libu-libong itinuturing na mga Patient Under Investigation (PUI).
Marami pang mga kababayan natin, bukod sa mga dayuhang bumibisita sa ating bansa, ang isinailalim sa PUI at patuloy na inoobserbahan ng ating mga manggagamot sa pangunguna ng mga tauhan ng Department of Health (DOH), (binigyang-diin ng ating kapatid sa pamamahayag na ang PUI ay mas angkop na tawaging PUO o Patient Under Observation upang hindi marahil ituring na ang mga pinaghihinalaang may nCoV ay pinaghihinalaan ding kasangkot sa iba’t ibang krimen).
Maging ang ating mga umuuwing OFWs (overseas Filipino workers) ay kaagad isasailalim sa 14-day quarantine upang matiyak na sila, kahit paano, ay hindi nahawahan ng naturang mapanganib na sakit; kabilang na rito ang dumarating na mga dayuhan na ang iba sa kanila ay pinagbabawalang lumapag sa ating mga paliparan. Patuloy pa rin ang monitoring o pagmamanman ng ating mga awtoridad sa posibleng paglaganap ng naturang sakit.
Hindi rin biro ang pinsalang nilikha naman ng ASF na pumatay ng katakut-takot na mga alaga nating baboy, bukod pa rito ang hanggang ngayon ay sinasalanta pa ng nabanggit na sakit. Hindi na halos makagulapay ang Department of Agriculture sa paglalatag ng mga programa upang mailigtas, kahit paano, ang bilyun-bilyong pisong hog industry ng bansa.
Halos lahat na yata ng sulok ng kapuluan na kinaroroonan ng tinatawag na big and backyard hog raisers ay hindi pinaliligtas ng mapanganib na ASF. Matapos itong manalasa sa Luzon, dinapuan din ng ASF ang mga babuyan ng ating mga kababayan sa Mindanao. Kamakailan, nadiskubre sa Davao Occidental ang pananalanta ng ASF sa mga babuyan sa iba’t ibang panig ng lalawigan. Mabuti na lamang at naging maagap ang DA sa paglalatag ng mga programa upang mabawasan kundi man ganap na masugpo ang nasabing peste.
Sa magkakambal na salot na masyadong bumabagabag sa bansa, naniniwala ako na ang nakapangingilabot na mga sakit ay huhupa sa pamamagitan ng kooperasyon ng sambayanan, lalo na sa pagtalima sa mga pag-iingat o precautionary measures na ipinatutupad ng mga awtoridad. Kaakibat ito, siyempre, ng walang kinikilingang pagbabawal na lumapag sa bansa sa sinumang dayuhan na PUI.
-Celo Lagmay