NANG maglunsad ng magkasanib na counter-terrorism training ang United States Army at Philippine Army, lalong tumibay ang aking paniwala na hindi dapat pawalang-bisa ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng dalawang bansa. Sa kabila ito ng matinding paninindigan ni Pangulong Duterte na tatapusin na niya o pawawalang-bisa ang naturang kasunduan.
Magugunita na ang walang kagatul-gatol na pahiwatig ng Pangulo ay bunsod ng resolusyon ng US Senate na tahasang pagbabawalang makapasok sa bansa ni Uncle Sam ang ilang opisyal ng gobyerno na sinasabing may pananagutan sa umano’y masalimuot na pagpapakulong kay Senador Leila de Lima. Kabuntot umano ito ng kanselasyon ng tourist visa ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Sa nabanggit na magkasanib na pagsasanay ng mga tropa ng US at PH, nakita ko ang maigting na relasyon hindi lamang ng mga sandatahang lakas ng dalawang bansa kundi maging ng mismong mga Kano at Pinoy. Lalo na nga kung iisipin na ang isinasagawang pagsasanay – ang Balance Piston 20-1 – ay may kinalaman sa pagsugpo ng terorismo na malimit na gumiyagis sa ating bansa, lalo na sa mga lugar na pinamumugaran ng mga naghahasik ng sindak, panliligalig at terorismo sa ating mga kababayan.
Totoo na sa biglang tingin, determinado at tila hindi na maaawat ang ating Pangulo sa mistulang pagbasura sa VFA. Subalit gusto kong maniwala na ang gayong matinding pahayag ay bunsod lamang ng silakbo ng kanyang damdamin na nakaangkla sa sinasabing panghihimasok ng US – at maaaring ng iba pang bansa – sa mga gawaing panloob o internal affairs ng ating bansa. Nasaksihan na natin ito hindi lamang sa kasalukuyang US administration kundi maging noong nakalipas na pangasiwaan.
Gayunman, hindi humuhupa ang aking paniwala na maaaring magbago ang paninindigan ng ating Pangulo. Maraming sektor ng ating sambayanan ang nais tumutol sa terminasyon ng VFA. Maging ang kanya Gabinete - sa pamamagitan ng Cabinet cluster on security, justice and peace – ay mistulang atubili na tumalima sa gayong paninindigan.
Nangangahulugan na nais ng Gabinete – at maging ng Senado na repasuhin lamang at hindi kagyat na tapusin ang VFA. Nakaangkla ang gayong paninindigan, sa aking paniwala, sa paniwala rin ng naturang mga opisyal na lubhang mahalaga ang kasunduan sa pagpapaigting ng mabuting relasyon ng US at PH.
Sa pangkalahatan, higit na nakararami ang naghahangad na manatili ang naturang kasunduan sa paniwala na iyon ay lalong magpapatatag sa pangangalaga ng seguridad at katahimikan na hinahangad ng lahat.
-Celo Lagmay