PALIBHASA’Y may matinding pagpapahalaga sa buhay, matindi rin ang aking paghanga bagama’t may kaakibat na pangingimbulo sa ating nakatatandang mga mamayan na umaabot o humihigit pa sa 100 taong gulang. Ito ang naghari sa aking kamalayan nang matunghayan ko ang pagdaraos ni Lola Juana Lumaad Roble ng Barangay Sabang, Danao City ng kanyang ika-106 anyos na kaarawan noong nakaraang Enero 27; siya ang itinuturing na pinakamatandang nabubuhay na Pilipino hindi lamang sa lalawigan ng Cebu kundi posibleng sa buong Pilipinas.
Totoo na hindi lamang sa naturang lalawigan matatagpuan ang ating mga senior citizen na maituturing na mga centenarian. Sa hanay ng ating mga beterano na lumahok sa nakaraang mga digmaan, halimbawa, isang kababayan natin na mahigit nang 100 taon mula sa Benguet Province, kung hindi ako nagkakamali, ang lumahok sa selebrasyon ng Araw ng mga Bayani. Sa iba’t ibang lalawigan, hindi iilang senior citizen ang pinarangalan sa pagiging centenarian.
Subalit natatangi si Lola Juana. Bagamat medyo mahina na ang kanyang pandinig at malabo na ang kanyang mga paningin, wala siyang maintenance medicine, tulad ng pagpapatunay ng isa sa kanyang mga supling, si Dr. Nerita Roble-Alonzo. At matalim pa ang kanyang memorya, na napatunayan nang siya ay tanungin kung kailan ang kanyang kaarawan; walang kagatul-gatol ang kanyang tugon na may kaakibat na magiliw na ngiti: ‘January 27’.
Kapani-paniwala at dapat tularan ang pahayag ni Dr. Roble-Alonzo hinggil sa sekreto ng pagkakaroon ni Lola Juana ng mahabang buhay: Pagkain ng health foods na tulad ng isda at gulay na sinasalitan ng lean meat nang minsan sa isang linggo; at sapat na tulog araw-araw. Naniniwala ako na ganito rin ang naging panuntunan ng kanilang pamilya. Isipin na ang ama ni Lola Juana ay yumao sa edad na 104 samantalang ang kanyang asawa ay pumanaw sa edad na 93; ang isa sa kanyang kapatid ay sumakabilang-buhay sa edad na 98. May dahilan upang hilingin ng kanyang pamilya na si Lola Juana ay mabuhay pa ng maraming taon.
Makatuwiran lamang na si Lola Juana ay ituring na ‘champion of life’ ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalo na ng Social Welfare Agencies. Naging batayan ito upang siya ay pagkalooban ng 100,000 piso ng Danao City government, 100,000 piso ng national government, at 50,000 piso ng Cebu provincial government.
Dahil dito, hindi kalabisang hilingin sa mga kinauukulan na doblehin, o pag-ibayuhin pa, ang halagang ipinagkakaloob sa mga centenarians. Maliit lamang ang naturang halaga na itinatadhana ng batas, lalo na kung iisipin na mabibilang sa daliri ng ating mga kamay, wika nga, ang umaabot o lumalagpas sa 100 anyos. Ibayong biyaya ang hindi dapat ipagmaramot sa mga tinaguriang ‘champion of life’.
-Celo Lagmay