SA kabila ng tahasang pagtanggi ni Pangulong Duterte sa imbitasyon ni President Donald Trump kaugnay ng US-ASEAN summit na idaraos sa Las Vegas, Nevada sa Marso, malakas ang aking kutob na ang naturang paanyaya ay pag-uukulan ng ating Pangulo ng masusing pagsasaalang- alang. Ibig sabihin, ang naturang imbitasyon ay maaaring pagbubulaybulayan niya, lalo na nga kung iisipin na ang napipintong pagpupulong ay nakatakdang daluhan ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na napag-alaman kong inanyayahan din ng US President.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tumanggi ang ating Pangulo na bumisita sa United States. Magugunita na ganito rin ang kanyang matinding pagtanggi sa imbitasyon naman ni US President Barack Obama. Dahilan naman ito sa sinasabing panghihimasok ng dating Pangulo ng US sa mga gawaing panloob o internal affairs ng Duterte administration. Noon, mistulang sumiklab ang matinding patutsadahan ng dalawang Presidente kaugnay ng umano’y paghahari ng panlabag sa mga karapatang pantao o human rights violation na ikinakawing sa malawakang kampanya sa paglipol ng droga. Noon, ang maaanghang na pasaring ng ating Pangulo sa mga kritiko ng kanyang administrasyon ay tinutugon lamang ni Obama ng: The PH president has a beautiful language.
Sa pagkakataong ito, ang pagtanggi ng ating Pangulo sa imbitasyong dumalo sa US-ASEAN summit ay sinasabing bunsod naman ng kanyang utos hinggil sa terminasyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at US. Kasunod ito ng kanselasyon ng US visa ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa. Nauna rito ang pagpapatibay ng US Senate ng isang resolusyon tungkol naman sa pagbabawal na dumalaw sa US ng PH authorities na may kaugnayan sa pagpapakulong kay Senador Leila de Lima na pinagbibintangang utak ng mga sindikato ng mga bawal na droga.
Sa kabila ng gayong nakadidismayang situwasyon, naniniwala ako na hindi dapat ipagwalang-bahala ang imbitasyon ni Trump hindi lamang kay Duterte kundi maging sa iba pang lider ng ASEAN. Bukod sa paulit-ulit ang paanyaya ni Trump, lagi rin nitong binibigyang-diin ang maigting na relasyon ng ating bansa at ng US. Hanggang ngayon, ang bansa ni Uncle Sam pa rin ang itinuturing ng ating mga kababayang Pilipino bilang ‘most trusted country’ sa panig na ito ng daigdig.
Isa pa, si Duterte -- tulad ng iba pang ASEAN leaders -- ay opisyal na inimbitahan ni Trump sa naturang pagpupulong. Nangangahulugan na lubhang mahalaga ito hindi lamang para sa ating bansa kundi maging sa buong rehiyon na pawang naghahanap ng makabuluhang solusyon sa mga problemang gumigiyagis sa buong mundo.
Isa pa, tandisan subalit madamdamin ang pahiwatig ni Trump: The American people and I hope to see you in the United States soon.
-Celo Lagmay