BAGAMA’T may himig na pag-aatubili, gustong kong maniwala na tututulan ni Pangulong Duterte ang anumang panukala hinggil sa reclamation projects sa Manila Bay. Nakaangkla ang naturang paninindigan ng Pangulo sa kanyang matinding hangaring pangalagaan ang kapaligiran ng malawak na karagatan -- lalo na ang tanyag sa buong daigdig na Sunset in Manila Bay.
Nangangahulugan na hindi niya pahihintulutan ang mistulang pagtatabon ng lupa sa naturang malawak na baybay-dagat -- tulad ng mga reclamation projects na kinatatayuan ngayon ng iba’t ibang nagtatayugang mga gusali at business establishments. Sa ganitong situwasyon, mataginting ang kanyang pahayag: “Not in my time”. Ibig sabihin, hindi natin masasaksihan ang gayong mistulang pagwasak sa kapaligiran hanggang sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Ang nabanggit na pananaw ay binigyang-tinig ng Pangulo pagkatapos bigyan ng ‘green light’ ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang 10,000 ektaryang reclamation projects sa Manila Bay. Kinabibilangan ito ng apat na proyekto: Navotas City Coastal Reclamation Project, Pasay 360-hectare Reclamation Project, Pasay 265-hectare Reclamation Project at Horizon Manila 418-hectare Reclamation Projects.
Hindi ko matiyak kung ang naturang plano ay sumailalim sa masusing pag-aaral at pagsusuri ng mga eksperto sa gayong mga proyekto; kung sinangguni ang mga dalubhasa sa kapaligiran, tulad ng Climate Reality Project na naniniwala na ang pagtatabon ng lupa sa Manila Bay ay magiging dahilan ng matinding pagbaha at pagkawasak ng tinatawag na biodiversity. At mawawalan ng tirahan ang libu-libong mga kababayan natin, kabilang na ang mga informal settlers o mga iskuwater na hanggang ngayon ay hindi pa nahahanapan ng mga relocation areas.
Sa kabila ng gayong paninindigan ng Pangulo, naniniwala ako na marapat ding magkaroon ng masusing pagsasaalang-alang: ibig sabihin, dapat ding timbangin kung ang mga reclamation projects ay makatutulong sa pagpapaangat ng ekonomiya ng ating bansa; kung ito ay hindi makasasama sa sambayanan lalo na nga kung hindi maglalagay ng sapat na water treatment facilities.
Kung ang nabanggit na mga proyekto, sa kabilang dako, ay magiging dahilan ng pagkawasak ng kapaligiran -- lalo na ang mistulang pagpapalubog ng Manila Bay Sunset -- ang pagtutol ng Pangulo sa naturang mga proyekto ay nasa wastong direksiyon at karapat-dapat suportahan ng sambayanang Pilipino.
-Celo Lagmay