HANGGANG ngayon ay nakakintal pa sa aking memorya ang pagiging good samaritan ng tatlong kabataan na sinawing-palad matapos magkapaghatid ng relief goods sa ating mga kababayang biktima ng pagsabog kamakailan ng bulkang Taal. Ang kotse na sinasakyan nila -- sina Rio John Abel, Maximo Alcantara III at Darwin ‘Budong’ Lajara -- ay sumalpok sa isang trailer truck habang binabagtas nila ang national highway sa Bahay-bahay 1 sa San Jose, Batangas.
Ang kabayanihan ng tatlong kabataan ay maliwanag na bunsod ng kanilang walang pagkukunwaring pagdamay sa kalunus-lunos na kalagayan ng ating mga kababayan sa iba’t ibang evacuation centers; kahit na sa maliit na paraan at kahit masuong sa panganib ang kanilang buhay dahil sa halos nagbabagang putik at abo na ibinubuga ng pumutok na bulkan.
Natitiyak ko na ang gayong matapat na pagkakawang-gawa ay ipinamalas din ng iba’t ibang sektor ng ating mga kababayan. Bukod sa mga ahensiya ng gobyerno na nakatalaga sa pagsaklolo sa mga biktima ng kalamidad, kabi-kabila ang ating mga kababayan na nagpamalas ng pakikiramay sa pamamagitan ng paghahatid ng kahit munting ayuda sa mga dapat damayan sa panahong ito ng pag-aalburoto ng bulkan.
Tunay na diwa ng bayanihan ang lihim na ipinamalas, halimbawa, ng hinahangaan nating mga artista at iba lang alagad ng sining, mga negosyante, karaniwang mga mamamayan, at maging ng ating mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police; bukod sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa mga komunidad na apektado ng volcano eruption, naghatid din sila ng mga relief goods sa mga bakwit.
Hindi lamang mga inilikas nating mga kababayan ang dapat nating ayudahan at iligtas sa mga panganib, maging ang mga alagang hayop ay marapat ding pangalagaan at iligtas sa panganib. Ito ang inaatupag ngayon ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), na maglalaan ng animal evacuation centers. Tiniyak ni Assistant Secretary Noel Reyes, Spokesman ng DA, na magkakaloob ang naturang ahensiya ng kailangang animal feeds, gamot at iba pang pangangailangan ng ating mga alagang hayop. Tama naman, sapagkat tulad ng mga kababayan nating bakwit, ang mga hayop ay dapat ding kalingain; sila ang pinanggagalingan ng ating ikinabubuhay.
Ang gayong pagsaklolo sa mga nangangailangan ay maituturing na kabayanihan sa panahon ng kagipitan -- kaakibat ng pagpapamalas ng walang pagkukunwaring kabayanihan; hindi balat-kayong bayanihan na tulad ng ipinangangalandakan ng ilang sektor ng sambayanan.
-Celo Lagmay