WALA akong makitang lohika sa intensiyon ng ilang mambabatas na isailalaim sa imbestigasyon ang mga tauhan ng Phivolcs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) hinggil sa sinasabing pagkabigo nito na abisuhan ang sambayanan tungkol sa posibleng pagputok ng bulkang Taal. Nangangahulugan ba na nais ng mga mambabatas na ang Phivolcs -- at iba pang ahensiya ng gobyerno na may gayong misyon -- ay marapat na magpalabas ng news bulletin tungkol sa lindol at iba pang kalamidad na walang nakatitiyak kung kailan magaganap ang mga ito? Wala akong natatandaang sinuman na nakagawa ng prediksyon o hula hinggil sa tiyak na pagdating ng anumang kapahamakan o trahedya.
Maaaring may matuwid at napapanahon ang planong imbestigasyong isusulong ng mga mambabatas lalo na kung ito ay itutuon sa sinasabing overpricing ng mga face mask at iba pang pangunahing bilihin sa paligid ng pumutok na bulkan. Labis itong ikatutuwa ng taumbayan, lalo na ang mga biktima ng volcano eruption na hanggang ngayon ay nagtitiis sa iba’t ibang evacuation centers sa 14- kilometer radius mula sa paanan ng Taal volcano.
Gusto kong maniwala na ang planong imbestigasyon ay isang pagmaliit o tahasang pagbalewala sa mga pagsisikap ni Phivolcs Director Renato Solidum Jr., na magbigay ng makabuluhang mga impormasyon hinggil sa pagputok ng bulkan. Hindi ko kakilala ang naturang opisyal at kahit minsan ay hindi ko siya nakadaupang-palad subalit nasubaybayan ko ang sistema ng kanyang paglilingkod hindi lamang sa kasagsagan ng trahedya kundi sa iba pang lindol at kalamidad na dumaluhong sa bansa. Halos oras-oras, naririnig at natutunghayan natin sa iba’t ibang media outfit ang kanyang mga tagubilin upang tayo ay makapag-ingat sa mga peligro na bunsod ng mga kalamidad. Maliban kung may nasisilip na mga alingasngas ang mga mambabatas, sa pamamalakad sa Phivolcs, ang makatao at makatuturang serbisyo ng naturang ahensiya ay hindi dapat gambalain.
Ang dapat atupagin ng mga mambabatas ay pagbalangkas ng mga resolusyon hinggil sa pag-ayuda sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan, tulad ng ginagawa ng mga organisasyong pang-kawanggawa. Isabay na rin dito ang pagbalangkas ng resolusyon na kikilala sa pagsisikap ng ilang sektor na maiahon sa pagdurusa ang mga pininsala ng Taal eruption.
Napapanahon at tinitiyak ko na may lohika ang pagkilala sa kabayanihan ng ilang kababayan natin na umagapay sa pagliligtas at pagdamay sa nakapanlulumong kalagayan ng ating mga kababayan sa paligid ng Taal. Higit na dapat dakilain, halimbawa, ang mga kabataang mistulang nagbuwis ng buhay upang sumaklolo lamang sa mga biktima ng kalamidad -- sina Rio John Abel, Maximo Alcantara lll at Darwin ‘Dudong’ Lajara. Sila ang mga good Samaritan na maituturing na mga bayani ng Taal volcano eruption.
-Celo Lagmay