KASABAY ng ating pakikiramay sa mga biktima ng pagsabog ng Taal Volcano na ang mga tahanan ay mistulang tinabunan ng makapal na ash fall, nais din nating manik-luhod sa kanila upang panatilihing ‘no man’s land’ ang paligid ng naturang bulkan. Ibig sabihin, tulad ng laging ipinahihiwatig ni Pangulong Duterte, ang paligid ng pumutok na bulkan ay hindi muna dapat pamayanan ng sinuman upang maiwasan ang panganib sa nagbabagang putik at usok na bumubuga sa volcano island.
Kaakibat ito ng walang katapusang panawagan ni Phivolcs Director Renato Solidum, Jr. at ng iba pang kagawaran ng gobyerno na tulad ng DND, DILG ay NDRRMC, na panatilihin ang 14-kilometer danger zone. Ibig sabihin, ang naturang volcano island ay idideklarang permanenteng ‘no man’s land’; walang sinuman ang pahihintulutang manirahan doon kahit kailan. Gayunman, naniniwala ako na ang gayong plano ay maaaring pag-ukulan ng masusi at matalinong pagsasaalang-alang.
Ang nabanggit na plano ay natitiyak kong nakaangkla sa katotohanan na talagang mapanganib para sa sinuman ang patuloy na manirahan sa island volcano. Katunayan, sinimulan na ang sapilitang paglilikas ng ating mga kababayan sa 14 na bayan na malapit sa bulkan; walang katiyakan kung hanggang kailan sila mananatili sa mga evacuation centers.
Nakalulugod naman mabatid na ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga sinalanta ng pagputok ng bulkan ay kaagad at epektibo namang sinaklolohan ng ating mga mapagkawang-gawang mga kababayan -- lalo na nga ng DSWD, Phil. Red Cross at iba pa. Ibinuhos ang mga relief goods at iba pang pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan.
Pati si Vice President Leni Robredo ay hindi nagpabaya sa kanyang makataong misyon: pagdadala ng mga pagkain at iba pang relief goods. Makabuluhan din ang kanyang mungkahi na magkaroon din ng evacuation centers para sa mga hayop at iba pang livestocks na napilitang iwan ng lumikas nating mga kababayan. Nakita niya marahil na ang naturang mga hayop ay binabalik-balikan ng ating mga kababayan; ang gayon ay lubhang mapanganib.
Maging si Department Agriculture Secretary William Dar ay kaagad ding sumaklolo sa mga sinalanta ng Taal eruption. Tiniyak niya ang suporta sa mga magsasaka -- sa mahigit na 2,000 ektaryang bukirin -- ang agricultural loan na halos walang interes. Kasabay nito ang pagtiyak ng sapat na supply ng NFA sa murang halaga.
Sa kabila ng pagbubuhos ng ayuda sa mga nasalanta sa Taal, marapat lamang nating pakinggan at timbangin ang planong ‘no man’s land’ sa island volcano.
-Celo Lagmay