BAGAMAT hindi pa nilalagdaan ni Pangulong Duterte ang isang Executive Order (EO) na magpapatupad ng maximum drug retail price (MDRP), natitiyak ko na ito ay maituturing na isa na namang hulog ng langit, wika nga, para sa sambayanang Pilipino, lalo na sa katulad naming senior citizen na umaasa lamang sa murang maintenance medicine. Sa sandaling mapasakamay niya ang draft EO, walang kagatul-gatol ang pahayag ng Pangulo: I will sign medicine cap EO ‘twice over’. Ibig sabihin, dalawang beses pa niyang pipirmahan iyon.
Ang naturang EO na halos isang buwan na naipadala ng Department of Health (DoH) sa Malacañang ay nagtatakda nang mababang presyo ng halos 120 medisina para sa iba’t ibang karamdaman. Kinabibilangan ito ng mga gamot para sa hypertension, diabetes, cardiovascular disease, chronic lung disease, neonatal disease para sa mga bagong panganak na sanggol, major cancer, at iba pa.
Naniniwala ako na ang paninindigan ng Pangulo ay nakaangkla sa kanyang hangaring matulungan ang ating mga kababayang halos ayaw iwanan ng mga karamdaman; lalo pang nagdurusa dahil sa mataas na halaga ng mga gamot. Marami sa kanila ang palaktaw-laktaw sa pag-inom ng gamot na inirereseta ng mga doktor dahil sa kakapusan ng panggastos. Dama-dama ng Pangulo ang gayong nakapanlulumong kalagayan ng sambayanan. Malimit niyang ipahiwatig na siya man ay mayroon ding karamdaman na nangangailangan ng mga medisina.
Dapat lamang asahan na ang naturang draft EO ay aalmahan ng ilang sektor, kabilang na ang Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) sa matuwid na ang MDRP ay hindi makabubuti o counterproductive sa kanilang pagnenegosyo. Ang naturang kautusan na bagamat makatutulong sa taumbayan ay hindi malayong maging dahilan ng pagsasara ng ilang small and medium-sized drug stores, tulad ng nangyayari sa ibang bansa.
Matindi ang paninindigan ng Pangulo na rendahan ang mga botika -- maliit man o malaki -- sa pagtatakda ng mataas na presyo ng mga gamot. Naniniwala ako na wala siyang pakikinggang mga ‘lobbyist’ na magpapabago sa naturang draft EO.
Gusto ko ring maniwala na maging ang PHAP na kinabibilangan marahil ng malalaking drug manufacturer ay hindi papansinin ng Pangulo. Sapagkat kung magkakagayon, ang nasabing EO ay hindi maituturing na hulog ng langit. Ito kaya ay hulog ng impiyerno?
-Celo Lagmay