LIMANG miyembro ng Swimming Pinas Swim Club, sa pangunguna ni national junior record holder Jasmine Micaela Mojdeh, ang binigyan ng ayuda ng Philippine Swimming Inc. upang lumahok sa Singapore Swimming Series sa Enero 17-19 sa world-class OCBC Aquatic Center sa Lion City.

MOJDEH: Tamang paghahanda sa ASEAN age-group meet.

MOJDEH: Tamang paghahanda sa ASEAN age-group meet.

Makakasama ng 13-anyos na si Mojdeh, sina Hugh Antonio Parto – isa ring junior record holder --, Marcus De Kam, Jordan Ken Lobos at Julia Ysabell Basa. Gagabayan sila ni coach Virgilio De Luna, habang team manager si Joan Mojdeh.

Sa sulat ni Philippine Swimming Inc. Lani Velasco na may petsang Enero 3, 2020, senertipikahan niya ang paglahok ng grupo sa torneo na isang FINA Graded 3.2 tournament.

Another gold! Hidilyn Diaz, isa nang guro sa UP Diliman

Tinaguriang ‘Water Beast’ bunsod ng dominanteng kampanya sa local at international age-group competition, gayundin sa Palarong Pambansa, apat na ulit na binasag ng pambato ng Brent International School ang girls 200m butterfly record sa nakalipas na taon, tampok ang 2:20.01 na naitala niya sa Hong Kong Open Swimming Championship.

Tangan din ni Mojdeh ang marka sa girls 100m butterfly na tatlong ulit niyang napalitan, tampok ang 1:03.90 sa 1st Philippine National Open Swimming Championship nitong Setyembre na ginamit bilang team selection para sa Philippine Team na isinabak sa 30th Southeast Asian Games.

Nanguna rin siya sa girls 200m Individual medley sa tyempong 2:29.87 na naitala niya sa 10th Asian Age Group Swimming Championship sa India.

Nakuha naman ni Parto ang marka sa boys 200m butterfly sa tyempong 2:18.76 sa 1st PH National Open Swimming Championships.

“Kasama na rin ito sa preparation nila para sa ASEAN age group competition na gagawin dito sa Manila. Kailangan talaga nilang lumaban abroad para sa exposure at masanay sa laban. Hindi maikakaila na may mga kaba yang mga bata, pero once na ma-overcome nila ‘yan laban na tuloy-tuloy,” pahayag ni Joan, co-founder ng Swim Pinas.

“Nagpapasalamat po kami sa Philippine Swimming Inc. sa leadership po ni Madam Lani (Velasco). Gusto po talaga ni Mam Lani na palakasin ang grassroots kaya sinabi niya na ngayon taon mas inaasahan niya na mas darami yung mga gagaling na age groupers sa grassroots natin,kaya ngayon nagsisipag talaga si coach Virgie na palakasin mga bata,” aniya.

Samantala, tuloy ang grassroots program ng Swim Pinas sa ilalargang 6th BEST Swim Challenge (8th SLP Series) Long Course Class AB, C-Motivational (Governor Danny Suarez Swim Cup 2020) sa Enero 11 (Sabado) sa Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF) sa Quezon province.

Ang torneo ang last leg para sa selection ng Swimming Pinas membership.