MATINDING kawalan ng kasiyahan ang bumulaga sa umpukan ng mga mamimili nang masagap nila ang ulat na ang Department of Agriculture (DA) ay aangkat ng 35,000 metriko tonelada ng sibuyas. Hindi ko ikinabigla ang gayong reaksiyon lalo na kung iisipin na ang pag-aangkat ng naturang produkto na isasagawa sa pamamagitan ng Bureau of Plant Industry (BPI) ay mangangahulugan ng pagdagsa ng imported onions sa kapinsalaan ng ating mga kababayan magsisibuyas o onion farmers.
Magugunita na ang walang patumanggang importasyon ng sibuyas, kabilang na ang bawang at iba pang agricultural products, ay matagal nang mistulang isinumpa ng ating mga kababayan. Ang kanilang pagtutol sa gayong sistema ay nakaangkla hindi lamang sa katotohanan na higit na malasa ang ating inaaning sibuyas at bawang kaysa sa inaangkat natin, halimbawa, sa Vietnam, Thailand at iba pang bansa sa Asia. Lumilitaw nga naman na higit pa nating tinatangkilik ang mga dayuhang magbubukid na ang makabagong sistema ng pagsasaka ay natutuhan lamang nila sa ating mga agricultural schools.
Bilang pakikiramay sa ating mga mamimili, kabilang na sa ating mga kababayang onion growers sa Bongabon, Nueva Ecija, inaalam ko ang mga kadahilanan ng gayong nakadidismayang importasyon ng sibuyas. Kagyat ang reaksiyon ni Assistant Secretary Noel Reyes, ang spokesman ng DA: ‘One-shot deal’. Ibig sabihin, minsan lang isasagawa ang importasyon ng 35,000 metric tons ng sibuyas. Kailangan lamang mapunan ang kakulangan ng ating onion supply sa matuwid na hindi sapat ang inaani ng ating mga magsisibuyas.
Bigla kong naalala ang ating mga onion farmers hindi lamang sa aming lalawigan kundi maging sa iba pang panig ng bansa na nagtatanim ng gayong mga produkto. Masyado nilang idinaing ang pagbabagsak ng kanilang produksiyon dahil sa sunud-sunod na kalamidad na nananalasa sa ating bansa, kaakibat ito marahil ng kakulangan ng mga cold storage na imbakan ng inaaning sibuyas.
Sa kabila ng naturang pagbibigay-matuwid sa importasyon ng sibuyas, may paniniyak si Reyes: Hindi mababahiran ng alingasngas ang naturang transaksiyon upang pangalagaan ang mga mamimili laban sa onion cartel at price manipulators.
-Celo Lagmay