NANG mistulang payuhan ni Pangulong Duterte ang Lopez family na ibenta na lamang nila ang kanilang ABS-CBN, gusto kong maniwala na wala siyang intensyon na lumpuhin, wika nga, ang naturang himpilan ng radyo at telebisyon. Maaaring nais lamang niyang mailipat sa sinuman ang pagmamay-ari niyon upang hindi naman marahil malagay sa alanganin ang kalagayang pangkabuhayan ng libu-libong kawani.
Hanggang ngayon ay umuugong pa ang banta ng Pangulo na gagawin niya ang lahat upang hindi lumawig ang prangkisa ng naturang giant network na matatapos sa Marso ng taong ito. Ibig sabihin, kailangan ang legislative franchise upang makapagpatuloy ng operasyon ang ABS-CBN. Kaugnay nito, may mangilan-ngilan nang kongresista at senador -- na ang ilan ay kaalyado pa ng administrasyon -- na naghain ng mga panukalang-batas hinggil sa pagkakaloob ng pinalawig na prangkisa ng naturang TV/radio station. Ang naturang bilang ng mga mambabatas ay pinaniniwalaan kong hindi sapat upang baguhin ang plano ng Pangulo.
Sa kabila nito, nais kong makiisa sa mga nagsusulong ng panukala upang palawigin ng prangkisa ng nabanggit na network. Wala akong makitang dahilan kung bakit ang ABS-CBN ay pagkakaitan ng pagkakataong makapagptuloy ng operasyon, tulad, halimbawa, ng Kapuso GMA-7, Kapatid Channel 5, PTV-4 at Channel 13 na pag-aari ng gobyerno, UNTV, at iba pang istasyon ng telebisyon. Ang mga ito ay pare-parehong gumaganap ng makabuluhang misyon hindi lamang sa pagsasahimpapawid ng makatuturang programang nakalilibang kundi maging ng mga panooring nagiging sandigan ng sambayanan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay; kinapupulutan ng makatuturang aral at impormasyon hinggil sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran.
Totoo na ang ilan sa mga programa ng nasabing mga istasyon ng radyo at telebisyon ay maituturing na sentro ng matitinding komentaryo na maaaring panig o tutol sa sinuman, lalo na sa administrasyon; maaaring ang sistema ng pamamalakad ng mga iyon ay taliwas sa mga patakaran ng gobyerno o ng alinmang pribadong organisasyon. Subalit hindi ba ang ganitong mga eksena ay bahagi ng isang malusog at matatag na demokrasya?
Nakaangkla ang aking pagtutol sa pagkakait ng legislative franchise sa naturang network, sa lagi kong pinaninindigan ang pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag o press freedom. Ang lahat ng print at broadcast outfit ay hindi dapat sagkaan sa pagsahimpapawid at paglalathala ng katotohanan at ng makatuturang impormasyon na dapat malaman ng mga mamamayan.
-Celo Lagmay